Default Thumbnail

VACC lawyer: Teves, biktima ng ‘trial by publicity’

May 4, 2023 Edd Reyes 310 views

NAGPAHAYAG na rin ng paniniwala ang isang abogado ng Volunteer Against Crime and Corruption (VACC) na nakakaranas ng “trial by publicity” si Negros Oriental 2nd District Rep. Arnolfo Teves Jr. na umano’y “utak” sa pagpaslang kay Governor Roel Degamo.

Sa kanyag pagharap sa news forum na “Balitaan sa Tinapayan” na ginanap sa Tinapayan Festival Bakeshoppe sa Dapitan Street sa Sampaloc, Maynila, sinabi ni Atty. Ariel Jawid na nakakalungkot lamang na hindi ebidensiya kundi “kutob” at impresyon pa lamang ang pinagbabatayan subalit mistulang hinatulan na sa mata ng publiko ang kongresista.

Malaki aniyang kaso ang nangyaring pagpatay kay Degamo kaya’t nararapat lamang na bawat anggulo ay suriin at busisiin dahil posibleng may lumitaw pang malinaw at totoong motibo sa nangyaring pamamaslang.

Ipinunto niya ang umano’y paghahayag ng Department of Justice (DOJ) na sarado na ang kaso at “99.9% ng lutas” ang usapin subalit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nasasampahan ng kaso si Teves.

“Mas tamang proseso na kasuhan na lang muna si Teves sa halip na pinagpipiyestahan ng publiko ang isyu,” pahayag ni Atty. Jawid kasabay ng pagsasabing hindi parehas ang pagtrato sa kaso dahil wala sa bansa ang kongresista para maipagtanggol ang kanyang sarili.

Kaugnay nito, sinabi ni Jawid na ipagtatanggol niya sa korte ang isang akusado na kinasuhan ng frustrated murder ng dalawang negosyante noong taong 2021 at sinasabi pang may kinalaman din sa Degamo killing.

AUTHOR PROFILE