Sunog

Higit 100 kabahayan natupok sa mga sunog sa P’que

May 4, 2023 Edd Reyes 330 views

MAHIGIT sa 100 kabahayan ang nilamon ng apoy sa magkahiwalay na sunog, araw ng Huwebes, sa Parañaque City.

Unang sumiklab ang sunog dakong alas-12:11 ng madaling araw sa bahay ng isang babaen residente sa Better Living, Barangsy Don Bosco na kaagad na itinaas sa unang alarma bunga ng mabilis na paglaki ng apoy.

Hindi kaagad naitawag sa Parañaque Bureau of Fire Protection (BFP) kaya’t nang dumating ang mga kagawad ng pamatay sunog, malaki na ang apoy, dahilan upang itaas sa ika-limang alarma dakong alas-12:40 ng madaling araw.

Ayon kay Parañaque Fire Department Insp. Ernesto Wanawan, nadamay sa sunog ang katabing bodega ng mga good lumber bago tuluyang maapula ng alas-4:46.

Mahigit sa 350 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog na tumupok sa may 100 kabahayan na pawang gawa sa mahihinang uri ng materyales na madaling masunog. Tinatayang aabot sa P1.5 milyong halaga ng ari-arian ang natupok sa naturang sunog.

Dakong alas-7:43 naman ng umaga nang sumiklab ang sunog sa isang bahay sa kanto ng J. De Leon at Bonifacio Streets, Bgy. La Huerta na umabot sa ikatlong alarma bago tuluyang makontrol ng alas-9:20.

Umabot naman sa may 15 kabahayan ang tinupok ng apoy, maliban pa sa isang mini grocery at mga tindahan sa isang talipapa sa naturang barangay.

Wala namang iniulat na nasawi sa magkahiwalay na sunog sa naturang lungsod.

AUTHOR PROFILE