Posas

2 tutulong sa sumemplang na senglot na rider binaril, todas

April 30, 2024 Edd Reyes 154 views

BINARIL at napatay ng senglot na rider ang dalawang lalaki, kabilang ang isang nurse, na nagmagandang loob lang na tulungan siyang makatayo ng sumemplang sa kanyang motorsiklo sa Caloocan City noong Linggo.

Dedo agad si Mark John Aurey Blanco, 38, nurse na nakatira sa Merry Homes Subdivision, Brgy. 172, Urduja at obrerong si Willy Manarom, 39, ng Brgy. 173 Congress ng pagbabarilin ng security officer na si Joel Vecino, 54, ng Badjao St., Saint Dominic, Brgy. 168 Deparo, dakong alas-8:10 ng gabi sa kanto ng Road 17 at Road 6, Lagumbay St., Upper Congress Village, Brgy. 173.

Sa ulat kay Caloocan Police Chief P/Col. Ruben Lacuesta, sumemplang ang motorsiklong minamaneho ng suspek dahil sa kalasingan kaya tinangka siyang tulungan ni Blanco.

Sa hindi malamang dahilan, na-praning ang suspek at bumunot ng baril at pinaputukan ang biktima na duguang humandusay.

Umawat naman ni Manarom kaya pinagbabaril din siya ng suspek.

Tinangka pang tumakas ng suspek nang makita ang paparating na mga tauhan ng Congressional Police Sub-Station-9 pero nahuli din siya.

Nakumpiska sa suspek ang isang kalibre .9mm Glock pistol na may magazine habang nakuha sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang tatlong basyo ng bala ng naturang kalibre ng baril.

Iprinisinta na ng pulisya ang suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings kaugnay sa kasong dalawang bilang na murder na isasampa laban sa kanya.

AUTHOR PROFILE