Default Thumbnail

Rider, mag-ina utas sa killer bus

April 30, 2024 Melnie Ragasa-limena 99 views

TATLO ang namatay, kabilang ang 7-anyos na bata, at 17 iba pa ang sugatan sa karambola ng mga sasakyan noong Lunes ng gabi sa Fairview, Quezon City.

Sa report kay Quezon City Police District (QCPD) Director P/BGen. Redrico Maranan mula kay PLt. Hermogenes Portes, Jr., patay ang 45-anyos, 7-anyos na anak na babae nito, at 25-anyos na taga San Mateo, Rizal ng araruhin ng bus ang UV Express na sinasakyan ng mag-ina at motor ng lalaki.

Nasa kustodiya na ng Traffic Sector 5 ng QCPD ang driver ng bus na si Rolly Canapi Pascua, 42, ng Brgy. Holy Spirit. Quezon City.

Nangyari ang karambola dakong alas-9:37 ng gabi sa corner ng Commonwealth Ave. at Fairlane St., Brgy. Fairview, QC.

Binabagtas ni Pascua ang Commonwealth Ave patungong Elliptical Road nang mawalan umano ng preso ang bus.

Nakita sa CCTV na dahil sa bilis ng bus, inararo nito ang dalawang motorsiklo at UV Express na nasa harapan na bumangga naman sa apat pang motorsiklo at taxi.

Pumailalim ang sakay ng motorsiklo, ayon sa report.

Humihingi ng tawad ang driver ng bus dahil hindi daw niya ginusto ang nangyari.

Nahaharap sa mga kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Homicide, Multiple Physical Injuries at Multiple Damage to Property ang bus driver.