Default Thumbnail

Death toll sa pag-ulan sa VisMin, umabot sa 13 – NDRRMC

December 27, 2022 Zaida I. Delos Reyes 257 views

UMAKYAT na sa 13 katao ang nasawi bunga ng walang tigil na pagbuhos ng ulan sa araw ng Pasko sa iba’t-ibang bahagi ng Visayas at Mindanao.

Ito ay batay sa update na inilabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) dakong 5:00 ng umaga nitong Martes, Disyembre 27, 2022.

Pito sa mga nasawi ay mula sa Northern Mindanao, tatlo sa Bicol, dalawa sa Eastern Visayas at isa sa Zamboanga.

Gayunman, nilinaw ng NDRRMC na dalawa pa lamang sa mga naiulat na nasawi ang validated at kumpirmado.

Umabot naman sa 23 katao ang naiulat na nawawala kabilang ang 12 sa Eastern Visayas, walo sa Bicol at tatlo sa Northern Mindanao.

Ayon sa ulat, 166,357 katao o 44,282 pamilya sa 385 barangay sa Mimaropa (Mindoro Occidental, Mindoro Oriental, Marinduque, Romblon, Palawan), Bicol, Eastern Visayas, Zamboanga, Northern Mindanao at Bangsamoro ang naapektuhan ng pagbaha.

Nasa 45,337 tao o 10,536 pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation centers.

Dahil sa tuloy-tuloy na pagbuhos ng ulan, 534 kabahayan ang nasira, 369 sa mga ito ang partially damaged at 165 ang totally damaged.

Sa agrikultura, umabot sa P59,829,614 ang pinsala habang P14,580,000 naman sa imprastraktura ang nasira sa Bicol at Northern Mindanao.

Iniulat din ng National Irrigation Administration (NIA) ang pagkakaroon ng P2,050,000 halaga ng pinsala.

Nawalan din ng kuryente sa may 56 lungsod at munisipalidad kung saan sa ngayon ay 32 na ang naibabalik.

Nagkaroon din ng water interruption sa apat na lungsod at munisipalidad at tanging isa pa lamang ang naibabalik sa kasalukuyan.

Ayon sa NDRRMC, umabot na sa P5,247,313.29 halaga ng tulong ang naipamahagi sa mga biktima ng pagbaha.

Matatandaang nitong Linggo, binaha ang maraming lugar sa Visayas at Mindanao dahil na rin sa tinatawag na shear line o pagkakabuo ng masamang panahon dahil sa pagtatagpo ng cold front at warmer front.

Dahil dito, idineklara na ang “state of calamity” sa Gingoog, Misamis Oriental.

Bukod sa Gingoog, nasa state of calamity na rin ang buong probinsya ng Misamis Occidental.