Dapat nang umuwi si Ka Joma

January 6, 2022 Paul M. Gutierrez 166 views

PaulISA na namang “martir” sa “rebolusyon” ang pumanaw noong Miyerkules, matapos “matumbok” at “makubkob” ng Army Scout Rangers at mga elemento ng 25TH IB, 1001ST Brigade ng 10TH Infantry ‘Agila’ Division ang “kuta” ng CPP-NPA sa Compostela Valley kung saan napaslang si Menardo Villanueva, aka, ‘Bok.

Sa talaan ng militar, si Villanueva ang ikatlong miyembro ng CPP central committee na namatay sa kamay ng mga sundalo sa nakaraang 3 buwan; si Jorge ‘Ka Oris’ Madlos noong Oktubre 30, 2021, sa Impasusong, Bukidnon at si Anna Sandra ‘Kaye’ Reyes, sa ComVal din, noong bisperas ng Pasko.

At kung “big shot” na ang tingin ng madla dito kay Ka Oris bunga ng propaganda, aba’y mas hamak palang “big time” itong si Villanueva dahil “siya” ang “bosing” ng CPP-NPA sa buong Mindanao, bilang kalihim ng ‘KomMid’ (Komisyong Mindanao).

Ayon pa dito sa ating kaibigan na si Agila commander at dating AFP spox, M/Gen. Ernesto ‘Jun’ Torres, “number 3” sa liderato ng CPP si Villanueva, sumunod kay CPP founder Jose Maria ‘Ka Joma’ Sison at Julius ‘Ka Nars’ Giron, kaya ang posibilidad na si Villanueva ang susunod na CPP chairman ay hindi nakapagtataka at dapat lang na asahan.

Dangan kasi, “ayaw” naman kasing umuwi ni Ka Joma upang personal na “itaya” ang kanyang buhay para sa sinimulan niyang “rebolusyon” noong 1968; “kuntento” na siya na mamuno ‘via Internet/remote control’ wika nga.

Hindi naman nagtagal sa pagiging CPP chairman si Giron na inihalal sa Ikalawang Kongreso ng CPP noong 2016, dahil napatay siya sa Baguio City noong Marso 2020.

Samantala, patuloy namang “naglulungga,” ehek, nagtatago si dating CPP chair Benito Tiamzon (matapos mahuli sa Cebu noong Marso 2014 at pakawalan ni PDU30 para sa peacetalks).

Problema lang, mukhang kung hindi susuko, hindi malayong mamatay din sa engkuwentro si Tiamzon dahil “napugo” na ng militar na “paikot-ikot” lang sila ng kanyang asawang si Wilma sa Samar at Leyte.

Hindi na rin makaporma ang mga naging ‘caretaker chairman’ ng CPP katulad ni Edilberto Silva, dahil agad din siyang nahuli, ilang buwan matapos “madakma” ang mga Tiamzon (pero pinalaya din ni PDU30 dahil pa rin sa peactalks at nagtatago na rin).

Sa ngayon naman, dahil lumampas na pala sa higit 23,000 ang mga dating opisyal, miyembro at mga taga-suporta ng CPP-NPA ang sumuko na at nagbalik-loob sa gobyerno sa ilalim ng administrasyong Duterte, “bistado” nang lahat ng militar ang mga pangalan at hitsura ng mga naiwang lider ng grupo na puwedeng humawak ng “responsableng posisyon” sa teroristang kilusan, kapalit ng mga nahuli at napatay nilang mga kasamahan.

Translation? Hindi na rin sila makaporma ngayon, ahahay!

Dahil naman palaki ng palaki ang ‘leadership vacuum’ sa CPP-NPA, eh, baka magmukha na lang itong isang “tigreng papel” na sa propaganda na lang malakas pero wala namang “sustansiya” sa kawalan ng ‘hands-on leaders?’

Katulad na lang ni Villanueva. “Sino” ba ang may “kalibre” pa niya sa “kilusan” na puwedeng pumalit sa kanya? Si Villanueva, dear readers, ay isa sa mga ‘founding fathers’ ng CPP-NPA sa Mindanao at kalihim pa nga ng KomMid—ang pinakamataas na organo ng CPP sa buong isla.

Marahil, panahon na para umuwi si Ka Joma upang personal na niyang pangasiwaan ang operasyon at direksyon ng CPP-NPA, now na!

Tigilan na muna niya ang pag-iinom, pambababae at pakikipag-usap sa mga ahente ng CIA sa Netherlands at asikasuhin ang “kinabukasan” ng partido na siya ang nagtayo noong 1968.

Kung hindi kasi niya ito gagawin aba’y baka nga magkatotoo na tuluyan na itong “malusaw” eh, “nakakahiya” naman sa kanya, hehehe!

Abangan!

AUTHOR PROFILE