Dapat lang BBM!

September 3, 2021 Paul M. Gutierrez 376 views

PaulNANAWAGAN si dating Senator Bongbong Marcos (BBM) na magbigay ng booster shots para sa ating mga medical frontliners.

Ito ay dahil sa patuloy na paglobo ng mga nagpopositibo sa COVID-19 dulot na rin ng Delta variant na dominante ngayon sa bansa, ayon mismo sa World Health Organization (WHO).

Kinakailangan ito dahil sa lumabas na pag-aaral na nababawasan ang bisa ng bakuna matapos ang anim na buwan.

Dahil sa nananatiling high risk ang trabaho ng ating mga medical frontliners, malaki ang tsansa na tamaan pa rin sila o magpositibo. Dahil kahit na may bakuna ang isang tao ay maaari pa rin itong magpositibo at makapanghawa.

Bagamat sinasabi ng mga eksperto na ang mga taong nabakunahan ay mas malaki ang tsansa na hindi magkaroon ng severe cases ng COVID.

Ito ang nangyari halimbawa sa Indonesia nang magsimulang kumalat ang Delta variant sa kanila.

Tinamaan ang kanilang mga health workers at daan-daang doktor ang namatay kahit na bakunado na.

Ito ay dahil sa pagiging high risk ng kanilang exposure sa virus. At ito ang ayaw mangyari ni BBM sa ating mga health workers.

Ayon naman sa Department of Health (DOH), hindi pa nila nirerekomenda ang pagkakaroon ng booster shot dahil hindi pa stable ang bakuna sa bansa. Nasa halos 13 porsiyento pa lamang ng populasyon ang fully vaccinated sa mga Pinoy.

Sinabi na natin noong una mga kababayan na may pangangailangan na magkaroon ng booster shot para sa mga nabakuhan na dahil maaaring masayang lamang ang bakunang naiturok sa kanila kung hindi sila bibigyan ng booster shot.

At syempre, sang-ayon tayo kay BBM na dapat unahin ang ating health workers na dahilan kung bakit tayo nananatiling ‘malaya’ sa COVID at wala sa mga ospital ngayon.

Alam nating lahat ang sakripisyo ng ating health workers mula nang dumating ang pandemya.

Hindi naman siguro mahirap na maunawaan na sila ang una natin dapat na pinoproteksyunan sa ngayon. Bagamat may kakulangan pa sa bakuna, pero hindi natin kakayanin na lalo pang magkulang ang ating mga medical frontliners dahil sa hindi lamang sila nabigyan ng booster shot na kinakailangan nila.

Dahil alam nating maaaring magtagal pa ang pandemyang ito hindi lang dahil sa kakapusan ng bakuna sa buong mundo kundi dahil sa patuloy na pagkakaroon ng mga bagong variants ng COVID-19.

Sa ngayon, isang bagong variant na naman na ‘Mu’ ang naitala sa Colombia na nauna nang lumabas sa pag-aaral na may kakayanan na maging resistant o lumaban sa bakuna.

Kung ano man ang mga bagong variant na lumitaw o dumating sa bansa, kinakailangang ihanda natin unang-una ang ating mga health workers para dito.

Dahil sa huli ang pagbibigay proteksiyon natin sa ating mga health workers ay paunang proteksiyon na ibinibigay natin sa publiko.

Kaya sang-ayon tayo kay BBM. Dapat lang!

AUTHOR PROFILE