Yang isyu ng mahal na face shield

September 3, 2021 Allan L. Encarnacion 279 views

Allan EncarnacionNOONG unang pumutok ang pandemic, lahat naman tayo ay nagbago ang mundo.

May mga pandemic “moda” o mga kagamitan na hindi natin inisip na kakailanganin natin sa mga ganitong panahon. Sinong mag-aakala na ang face mask at ang face shield ay magiging bahagi ng ating sistema magmula noong Marso 2020?

Noong mga unang panahon, sa ospital lang natin nakikita ang mga taong may suot ng face mask. Kung hindi man doktor, mga pasyenteng may sensitibong sakit ang nagsusuot nito. Ngayon, lahat na tayo ay kailangang magsuot nito!

Iyong face shield, karaniwan natin itong nakikita sa mga welder or iyong mga nagtitibag ng bato or naghahasa ng bakal. Nang dahil sa virus, naging pangkaraniwan na ang paggamit nito.

Pati ang mga PPE or Personal Protective Equipment ay naging pangkaraniwan na rin sa mga medical profession na noong una, nakikita lamang natin na ginagamit sa mga TV series sa abroad kapag may mga forensic examination na may potential virus or radiation.

May mga isyu ng pagbili ng mahal na face shield at face mask ngayon sa lokal man o nasyunal. Noong unang putok ng virus, ako mismo ay nakabili ng face shield na ang halaga ay P100 at P120 ang bawat isa. Maaaring sa panahong iyon ay tama para sa atin ang presyong iyon dahil wala naman tayong basehan ng presyo sa isang bagong kagamitan na noon lamang natin nakita. Kaya nga hindi tayo nagtataka kung nakabili man ng face shield ang Quezon City government sa halagang P68 bawat isa dahil nga iba ang sitwasyon noong nakaraang taon. Mura na ito kumpara sa nabili kong P120!

Nang magsimula nang dumami ang supply, nagsimula na bumaba sa P50 ang presyo ng face shield na ating nabibili. Pumapasok talaga ang law of supply and demand. Kapag limitado ang supply, mas mataas ang presyo.

Hindi naman natin akalaing lahat na isang araw, kasing dami na rin ng tubig dagat ang supply ng face shield kaya nagising na lang tayo na ten pesos na lang pala ang halaga nito sa merkado.

Ito ngayon ang ginagamit na presyo para isigaw na may anomalya sa pagbili ng local na pamahalaan or ng anumang ahensiya ng gobyerno na sa tingin natin ay hindi naman tama.

Hindi kayo maniniwala, noong kainitan ng lockdown, nasa proseso ako ng dental procedures. Nang mag-ECQ noong March 2020, natigil ang lahat ng ginagawa sa akin dahil nga lockdown ang umiiral sa buong NCR.

Nang magbalik sa mas maluwag na quarantine, pinayagan na ang mga dental procedures pero may “risk expenses” na kasama. Nang magbalik ako sa dental clinic, kailangan ko nang magsuot ng PPE nila pero may bayad na P1,000. Disposable lang ito hindi for keeps.

Kailangan ko na ring sumailalim sa antigen test dahil kung hindi ka papayag, hindi ka rin naman isasailalim sa dental procedures. Ibig sabihin, kailangan ko ulit magbayad ng P2,500 para sa COVID test na iyon.

Isipin nyo, isang taon akong nasa dental procedures na karaniwan ay once or twice per month ang appointment ko. Huwag na nating kuwentahin kung magkano ang bayad doon pa lamang sa ekstrang ginagawa sa iyo bukod sa dental procedures.

Ano ang ibig nating sabihin dito? Simple lamang, napasok tayo sa kakaibang mundo na walang nakapaghanda kung paano tayo tutugon.

Kaya nga hindi natin puwedeng husgahan ang sino man sa lokal at nasyunal na pamahalaan kung ang batayan ay ang presyo ng mga gamit sa anti-virus na kanilang binili sa panahong limitado pa ang supply ng mga ito.