Dalawang prediktor ng mahabang buhay

May 29, 2021 Magi Gunigundo 137 views

Magi GunigundoAKO ay katulad ng maraming tao na gustong humaba ang buhay sa piling ng mga mahal sa buhay. May mga umiiwas sa mamantika, maalat, at matamis na pagkain, mayroon nag-eehersisyo ng 150 minuto o higit pa kada linggo, mayroon hindi naninigarilyo, mayroon umiinom ng 1.5 litro ng tubig araw araw, at may walong oras na tulog.

At sa panahon ng pandemya, mayroon nagpapabakuna laban sa COVID-19. Pero, ano nga ba ang mga prediktor na makapagsasabi kung gaano kahaba ang iyong magiging buhay?

Si Julianne Holt-Lunstad ng Brigham Young University ay nangalap ng datos tulad ng diyeta, ehersisyo, katayuan sa buhay at dalas ng pagbisita sa doktor ng libo- libong mga lalaki at babae upang matuklasan kung ano ang mga bagay na nagpapahaba ng buhay ng tao.

Pagkatapos kalapin ang mga datos, naghintay si Holt-Lunstad ng pitong taon. Pagkalipas ng panahong ito, tiningnan ng kanyang pangkat kung sino sa mga tinanong nila ang buhay pa upang mahanap ang sagot sa aking tanong sa unang talata.

Nilista ni Holt-Lunstad ang mga prediktor na makapagsasabi ng haba ng buhay ng tao, mula sa pinakamahinang prediktor hanggang sa pinakamalakas na prediktor: 10th malinis na hangin, 9th hypertension, 8th payat o sobra sa timbang, 7th ehersisyo, 6th rehab sa puso, 5th bakuna sa trangkaso, 4th paghinto sa pag-inom ng alak, 3rd pagtigil sa paninigarilyo, 2nd malapit na relasyon, at 1st pakikisalamuha sa lipunan o “social integration.”

Nais kong tutukan ang huling dalawang malakas na prediktor ng mahabang buhay.

Una, napakahalaga para sa isang tao na magkaroon ng malapit na relasyon sa isang uri ng tao sa iyong buhay na maaari mong lapitan para pahiramin ka ng pera kung bigla mo itong kinailangan, tatawag siya sa doktor kung masama ang iyong pakiramdam, dadalhin ka niya sa ospital upang umayos ang iyong maselang kalusugan, o di kaya ay uupo sa tabi mo upang makinig sa iyo at damayan ka kung ikaw ay nagkakaroon ng krisis o nawawalan ng pag-asa at kailangan mong maglabas ng sama ng loob.

Ang maliit na bilang ng ganitong uri ng tao sa iyong buhay ay isang malakas na prediktor ng haba ng iyong buhay.

Pangalawa, ang pakikisalamuha at interaksyon sa ibang tao na nakapaligid sa iyong pamayanan, tahanan, eskwelahan o opisina, araw araw ang pinakamalakas na prediktor ng haba ng buhay.

May dalawang klase ng tao ang tinutukoy sa kategoryang ito. Nariyan ang mga maliit na tao. Halimbawa,ang taong nagtitimpla ng iyong kape, ang kartero, ang hardinero, ang tagahatid ng peryodiko, ang tagalinis ng kalsada sa tapat ng iyong lugar, ang suki mo sa palengke, ang ginang na naglalakad ng kanyang aso araw-araw sa tapat ng iyong bahay; mga taong kalaro mo ng tong-its, pusoy, bingo, o di kaya ay bahagi ng isang Viber chat group o kasama sa isang sports association o ng isang prayer o bible study group.

At nandiyan din ang mga malaking tao sa iyong buhay na akin ng ipinaliwanag sa naunang talata.

Siempre, kailangan manatiling mabait at may bitbit na ngiti sa iyong mukha, sa pakikisalamuha sa maliliit at malalaking tao sa iyong buhay.

Sa panahon ng pandemiya, hindi ka man makalabas ng bahay dahil sa kuwarantina, gamitin natin ang teknolohiya upang magpatuloy ang ating social integration.

Maglaan ng sapat na panahon para kamustahin ang ating mga pamilya, kaibigan, at kakilala sa text, messenger, Vibee, email, Zoom, Microsoft teams, Google meet, atbp. Kung ikaw naman ay matutuksong maglagay ng komento sa FB o twitter , huwag ng mag-aksaya ng panahon sa pakikipagpalitan ng kuro-kuro sa mga trolls na sarado ang isip at puro ad hominem na atake lang ang tinatalak kapag nasukol mo na sa kanyang baluktot na paniniwala.

Hindi sila kabilang sa malaki at maliit na taong nagpapahaba ng buhay. Nasa dulo ng ating mga daliri ang paraan para malampasan natin ang pandemiya at makasalubong tayo sa mas magandang kinabukasan. Huwag tayong mawalan ng pag-asa. Nakakabulag man ang kadiliman ng gabi, babasagin ito ng bukang liwayway ng isang bagong umaga.

AUTHOR PROFILE