Coco Martin

Coco, naiinggit sa K-dramas/movies

February 9, 2023 Ian F. Fariñas 313 views

MAY inggit palang nadarama si Coco Martin sa tagumpay na inaani ng Korean movies at K-dramas sa iba’t ibang parte ng mundo.

Inamin ito ng action serye king ng ABS-CBN sa grand mediacon ng bago niyang proyekto, ang FPJ’s Batang Quiapo, na ginanap kamakailan sa Studio 10 ng Kapamilya network.

Ani Coco, “Naiinggit ako sa Korean movies/dramas. Alam ko na napakahusay natin at napaka-talented natin. Ang kailangan lang talaga natin, may taong magtitiwala para mabigyan tayo ng magandang pondo, tamang oras kasi ‘yung talento, nasa atin, eh.

“Para sa akin, ang mga Pilipino ang isa sa pinakamahuhusay na artista sa buong mundo. Ang mga direktor, ang mga writer, lahat mahuhusay. Hindi lang tayo nabibigyan ng tamang oportunidad at nasusuportahan.

“Kaya nu’ng ginagawa ko ‘yung Probinsyano at ngayon, Batang Quiapo, sabi ko, kung ano ’yung masasagad ko, kung ano yung pinaka-best para sa project na ‘to, hindi na ako nagho-hold back. Ginagawa ko, sinasagad ko na, kasi bakit? Nangangarap ako na sana mapansin din tayo. Kagaya nu’ng mga indie film natin na napapansin sa abroad. Na maliit ‘yung budget, nakakalaban tayo sa pinakamalalaking film festival at tayo pa ‘yung nananalo.

“Kaya sana itong Batang Quiapo, at hindi lang ito, at ‘yung iba pang mga show ng ABS-CBN at ng ibang networks, sana this time, sa taong ito, tayo naman ang mapansin ng ibang bansa,” mahabang pahayag ni Coco.

Mapapanood na ang FPJ’s Batang Quiapo simula February 13, 8 p.m., sa Kapamilya Channel, A2Z at TV5.

Ito ang magsisilbing unang sabak ni Coco bilang aktor, co-director at co-producer sa ilalim ng CCM Film Productions.

Dito ay gagampanan niya ang papel ng matapang at astig na tagapagtanggol ng bayan na si Tanggol/Baldo.

Star-studded ang cast nito at kabilang sa mga makakasama niya ang mismong anak ni FPJ na si Lovi Poe pati na sina Charo Santos-Concio, John Estrada, Cherry Pie Picache at marami pang iba.

Ito ang kauna-unahang FPJ movie title na lalabasan ni Lovi. Siya si Mokang, ang kaibigan ni Tanggol na magpapakilig bilang “partner in crime” niya.

Co-director ni Coco sa FPJBQ si Malu Sevilla.

AUTHOR PROFILE