Cellphone snatcher na, nanapak pa

August 4, 2021 Edd Reyes 207 views

ARESTADO ang 21-anyos na snatcher na humablot sa mobile phone ng isang dalaga at sumapak pa sa nagmalasakit na vendor Martes ng hapon sa Malabon City.

Nabawi ng mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 2 sa suspek na si Syruz Bronuela, residente ng 10 Lingkod Nayon, Bgy. Tugatog ang hinablot niyang touch screen mobile phone kay Sharina Marie Salor, 32, ng 13 Consuelo St., Bgy. Acacia, matapos masakote sa ginawang follow-up operation. Sa isinumiteng ulat nina P/SSgt. Ernie Baroy at P/SSgt. Mardelio Osting kay Malabon Police chief P/Col. Albert Barot, kausap ng biktima ang isa niyang suki sa pagtitinda sa harap ng kanyang tirahan dakong alas-5:30 ng hapon nang lapitan ng suspek at hinablot ang kanyang cellular phone.

Humingi ng saklolo ang biktima na tinugunan naman ng kapitbahay na si Salmer Dela Cruz, 34, subalit nang patungo na sa barangay hall ng Bgy. Tugatog ang dalawa upang magreklamo, biglang sumulpot muli ang suspek at sinapak sa mukha ang nagmalasakit na si Dela Cruz.

Nahaharap ngayon sa mga kasong robbery snatching at physical injury si Bronuela sa piskalya ng Malabon City.

AUTHOR PROFILE