Default Thumbnail

Camachili bridge residents di na dapat makabalik

May 31, 2023 Allan L. Encarnacion 289 views

Allan EncarnacionNOONG araw, ang ilalim Camachili bridge sa Balintawak ay isang bakanteng lugar at maaliwalas.

Kung may tao man, mga nagtitindang vendor pero halos isa hanggang lima lang sila. May presinto ng pulis dyan na naging tambayan namin noon dahil nga kaibigan namin ang mga naging hepe at mga pulis na naka-assigned doon.

Matagal kong hindi nadaanan ang Camachili bridge dahil nagbukas ang Mindanao Avenue sa Quezon City. Noong araw kasi bago nabuksan ang Mindanao at Congressional Avenue, isa lang ang daanan, Quirino Hiway lang from Novaliches to Blumentritt, pangalawa na ang General Luis-Malinta tagos ng Nlex-Balintawak.

Noong nag-aaral ako ng college sa Lyceum, araw-araw ako nakakadaan sa tulay na iyon dahil nanggaling ako sa Novaliches at ang biyahe ko ay Blumentritt bago pa ako bababa at sasakay ng Mabini-Harrison papuntang sa Lawton na kinaroroonan ng nasunog na iconic Post Office.

Nang minsan akong dumaan ulit sa Camachili bridge, hindi ko na nakilala, nagmukhang isang kolonya na ng mga residente. Sa tuwing aakyat ka ng tulay magmula Balumbato, sangkatutak na ang naglalaba sa kalsada, may mga naliligo, may mga kulungan ng manok, may mga kulahan pa at mga nagluluto pa sa ibabaw ng tulay. Mabibigla ka rin minsan dahil sa dami ng naglalarong mga bata.

Hindi ko alam paanong dumating ang isang umaga na ang ilalim ng tulay iyon na delantera pa at tawiran pa noon ng mga pasaherong bumababa galing mga probinsiya sa Norte mula NLEX ay magiging sentro na ng informal settlers.

Noong nakaraang linggo, nasunog ang buong komunidad at mayroon pang namatay. Ang implikasyon ng sunog, naging marupok na ang tulay at hindi muna puwedeng daanan ng mga malalaking trak.

Ang tanong, pababalikin pa ba ang mga nasunugan sa isang peligrosong lugar na katulad ng Camachili bridge? Dito kailangang pumasok ang Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) ni Secretary Jerry Acuzar.

Nagsisimula nang magtayo ng pabahay si Sec Jerry sa ilalim ng pabahay program ni President Marcos na ang target sa loob ng anim na taon ay anim na milyong housing units. Nanawagan tayo kay Secretary Acuzar na hanapan na ng malilipatan ang mga nasunugan sa Camachili para maibalik na ang ganda ng tulay na iyon na mahabang panahon na ring napabayaan.

Kung saan-saang parte ng bansa nagtayayo ng bahay si Sec Jerry kaya sana ay maisama na sa plano ang mga taga-Camachili pati na ang mga informal settlers sa Delpan, Manila, iyong mga nasa ilalim ng tulay sa Congressional Avenue, iyong mga nasa paligid ng Mindanao Avenue, iyong mga nasa San Roque na malapit sa Seda Hotel, Trinoma at Vertis North. Iyong mga bahay na nasa ilalim ng Delpan bridge sa Maynila ilang beses na rin nagkasunog doon kaya sana mailipat na sa maayos na tirahan ang mga tao doon.

Kilala ang mga Marcos sa magandang housing projects mula pa sa panahon ng FM senior kaya umaasa tayong magkakaroon ng katuparan ang pangarap ng mga kababayan nating magkaroon ng sariling bahay sa murang halaga.

By the way, kumusta na nga pala ang plano ni Sec Acuzar na massive housing project dito sa Metro Manila? May mga in-city relocation program ang mga lokal na pamahalaan gaya ng Quezon City sa ilalim ng pamamahala ni Mayor Joy Belmonte.

Puwede nga rin palang mag-tandem sila Mayor Joy at Secretary Acuzar para mahanapan ng malilipatan ang mga nasunugan sa Camachili bridge para hindi na sila bumalik doon.

Si Mayor Joy ang isa sa local executive na may inclusive housing program kaya puwedeng makatulong ni Pangulong BBM ang alkalde na maabot ang target na bilang ng mga pabahay.

Unahin na ang Camachili bridge residents dahil sobrang peligroso ng paninirahan ng mga tao doon, lalo na ang mga bata na ginawang playground ang highway.

[email protected]