Water

Linisin ang waterways

June 1, 2023 People's Tonight 334 views

KAHIT inaasahan ang pagdating ng El Nino sa bansa ay kailangan pa rin tayong maghanda dahil ang Pilipinas ay isa sa paboritong “sparring partners” ng mga bagyo.

“An average of 20 typhoons” ang dumadalaw sa bansa taun-taon, na kumikitil ng maraming buhay at sumisira ng bilyun-bilyong pisong halaga ng ari-arian, ayon sa rekord.

Sa katunayan, kahit may El Nino ay makararanas pa rin tayo ng malalakas na pag-ulan na magpapabaha sa mga mabababang lugar, kasama na ang Metropolitan Manila (MM).

Kaya nga huwag tayong magpakampante dahil may mga komunidad na kahit isang “brief but heavy rains” ay lumulubog kaagad dahil sa mga baradong daluyan ng tubig.

Sa tingin ng marami ay hindi pa huli ang lahat. May panahon pa para tanggalin natin ang mga basurang nakabara sa mga ilog, drainage canal, estero at iba pang waterways.

Hindi sana problema ang mga basura, partikular na ang mga plastik, sa mga daanan ng tubig kung hindi nagpabaya ang mga otoridad, lalo na ang mga opisyal ng barangay.

Pinababayaan nilang ginagawang malalaking basurahan ang mga daluyan ng tubig kahit na bawal na bawal ito.

Sa maraming parte ng bansa, kasama na ang Metro Manila, kailangang ma-dredge at malinis na ang mga ilog, creek, stream at estero na punong-puno ng ibat-ibang klase ng basura.

Kung hindi ay marami na namang mabababang barangay sa bansa ang magiging mga higanteng “swimming pool” pagkatapos lamang ng isang “brief but intense rains.”

Panahon na para lalo pa nating higpitan ang enforcement ng mga batas at ordinansa na nagbabawal sa pagtatapon ng basura, partikular na ang mga plastik, kung saan-saan.

AUTHOR PROFILE