Default Thumbnail

Bogus na dentista tiklo sa Laguna

December 29, 2022 Zaida I. Delos Reyes 258 views

INARESTO ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang isang lalaki na nagpapanggap na dentista umano at nag-ooperate ng walang lisensiya sa Laguna.

Ayon kay CIDG chief Police Brigadier Gen. Ronald Lee, ang inaresto ay pawang residente ng Barangay Agustin, Alaminos, Laguna.

Ayon kay Lee, nakatanggap sila ng ulat na nagbubunot ng ngipin ang suspek sa kanyang tahanan kahit na wala siyang lisensiya.

Nagsagawa agad ng entrapment operation ang CIDG laban sa “pekeng” dentista na nagresulta sa pagkakaaresto ng huli.

Ayon sa ulat, ang suspek ay naaktuhang gumagamit ng dental technology nang pasukin ng mga alagad ng batas ang kanyang bahay na nagsisilbi rin nitong clinic.

Wala umanong maipakitang lisensiya ang suspek upang patunayan na ligal ang kanyang ginagawa.

Sa kasalukuyan, ang suspect ay nakakulong sa Alaminos Municipal Police Station at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9484 o mas kilala sa “Act to Regulate the Practice of Dentistry, Dental Hygiene and Dental Technology in the Philippines,” ayon kay Lee.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ni Lee ang publiko na maging mapanuri sa pagpili ng dentista o dental clinic upang hindi mabiktima ng mga kawatan.

“Ang CIDG ay nagpapaalala sa publiko na maging mapanuri sa pagpili ng dentista o dental clinic upang hindi maging biktima ng ilan sa mga hindi otorisado at walang legal na basehan upang magsagawa ng ganitong Gawain,” pahayag ni Lee.