Default Thumbnail

‘BIR’ employees tiklo sa P5K na lumpiang shanghai

March 1, 2024 Melnie Ragasa-limena 94 views

DALAWANG pinaghihinalaang miyembro ng Budol-Budol Gang na nagpakilalang empleyado ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang nasakote nang ireklamo ng pamimilit bumili ng lumpiang shanghai na nagkakahalaga ng P5,000 noong Huwebes sa Brgy. Maharlika, Quezon City.

Sa report ni PCpl Jose Eusebio Banua ng Quezon City Police District-Police Station 1, nangyari ang insidente dakong alas-6:00 ng gabi sa loob ng Z-Empire Auto Accessories Shop sa 87 Don Manuel St., Brgy. Maharlika, Quezon City.

Nagpakilalang empleyado ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga suspek at sinabihan ang kanilang biktima na aasikasuhin ang tax mapping ng kanyang negosyo.

Kapalit nito, pinilit ang biktima na bumili ng lumpiang shanghai na nagkakahalaga ng P5,000.

Agad namang nagbigay ng P5,000 ang biktima sa suspek na mabilis ding umalis ng nasabing establisimyento.

Dito na naisip ng biktima na nabudol siya ng mga suspek kaya humingi ng tulong sa Brgy. Maharlika at police station.

Makalipas ang ilang minuto, nakalawit ng mga pulis ang mga suspek at nakatakdang sampahan ng kasong Swindling at Usurpation of Authority sa piskalya.