Barbers

Hindi sinophobia, racism

April 28, 2024 Ryan Ponce Pacpaco 70 views

Imbestigasyon ng Kamara sa pagdami ng Chinese students

IGINIIT ni Surigao del Norte 2nd District Representative Ace Barbers na hindi sinophobia at racism ang pakay ng Kamara de Representantes sa isasagawang imbestigasyon kaugnay ng pagdami ng Chinese students sa bansa.

Ayon kay Barbers walang dapat na ipag-alala ang Filipino-Chinese community sa Pilipinas sa isasagawang imbestigasyon ng Kamara dahil patuloy na bukas ang Pilipinas sa mga dayuhan na ligal ang pagpunta sa bansa.

“Alam mo, iyong mga nagsasabing Sinophobia at saka racism iyon, sila iyong may ganoong tendency. Tayo ay nagtatanong – national security iyong concern. Buti sana kung marites lang ito,” saad ni Barbers.

“Buti sana kung iyong pinag-uusapan dito ay iyong kapitbahay lang natin. But this is a national security issue. And because this is a national security issue, hindi masama na magduda tayo, hindi masama na magtanong tayo at hindi rin masama na imbestigahan natin iyon,” dagdag pa niya.

Ang pahayag ni Barbers ay kaugnay ng sinabi ng civic leader na si Teresita Ang See na tinatawag na Sinophobia at racism ang napaulat na pag-iimbestiga sa pagdagsa ng mga Chinese student sa mga lugar kung nasaan ang mga EDCA sites.

Nanindigan naman si Barbers na dapat bantayan mismo ng Chinese community ang kanilang mga kasamahan dahil ilan sa mga ito ay sangkot sa mga iligal na gawain.

“Sabi ko nga kanina, welcome ang mga Chinese. Iyong na-raid na bahay sa Taguig at sa Multinational na kung saan may mga mataas na kalibre ng baril na nahuli, hindi po ba involved ang Chinese?” wika ng mambabatas.

“So, I would urge the Chinese community, the Filipino-Chinese community na kung maaari po sana, you your ranks. We’re not anti-China dito,” sabi pa ni Barbers.

Maging si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. ay sinang-ayunan si Barbers at sinabi na lahat ng mga dayuhan ay malugod na tinatanggap ng Pilipinas hangga’t lehitimo ang kanilang layunin sila sa bansa.

“Maski anong lahi pa man iyan, maski Filipino nga eh, basta mali ang ginagawa mo, ang mali ay mali ganoon ka-simple lang iyon. Nagkataon lamang siguro na iyon ang lahi na iniimbestigahan,” ani Abalos.

Kailangang din aniya malaman ang eksaktong bilang ng mga Chinese national na naka-enroll sa Cagayan magkakaiba ang datos ng ang iba’t ibang ahensya.

AUTHOR PROFILE