Bong

Graphic health warnings sa E-cigs, vapes, kailangan — Bong Go

April 28, 2024 People's Tonight 168 views

NAGPAHAYAG ng malakas na suporta si Senador Christopher “Bong” Go sa pagpapatupad ng graphic health warnings (GHWs) sa mga electronic cigarette at vapes, isang panukalang itinakda sa Mayo 12, gaya ng inihayag ng Department of Health (DOH).

“I look forward to the full and faithful implementation of the policy on graphic health warnings on vapes that the Department of Health is poised to implement this coming May 12,” ayon kay Go.

Binigyang-diin ni Go ang pangangailangan ng mga katulad na hakbang sa mga produktong tabako alinsunod sa Republic Act No. 10643 o Graphics Health Warnings Law; gayundin ang Republic Act No. 11900, o ang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act; at Republic Act No. 11346 na nag-aamyenda sa National Internal Revenue Code na nagtataas ng excise tax sa mga produktong tabako at nagpapataw ng excise tax sa mga heated tobacco products at e-cigarette.

Ang patakaran, alinsunod sa mga batas na ito, ay nag-aatas na sakupin ng mga GHW ang kalahati ng packaging ng vape, na nagpapakita ng graphic health warnings na nauugnay sa vaping, tulad ng pinsala sa baga at dry mouth.

Ang mga babalang ito ay upang ipaalam sa mga mamimili ang mga panganib ng nicotine at non-nicotine vape products.

“As chair of the Senate committee on health, I will continue to support specific government measures to protect the health and lives of our people and policies that will advance their welfare,” ani Go.

Ayon sa Seksyon 4a ng RA 11900, ang vape packaging ay dapat may kasamang “highly visible, full-color graphic health warning” na sumasakop sa 50% ng front at back panels.

Ang mga babalang ito ay dapat sumunod sa mga patnubay na itinakda ng DOH sa ilalim ng RA 10643, kilala rin bilang Graphic Health Warnings Law. Ang DOH ay responsable para sa pagbuo ng mga patnubay at template para sa mga GHW.

Ang mga lalabag sa mga bagong regulasyon ay nahaharap sa matinding parusa, kabilang ang pagkakulong at multa ng hanggang P5 milyon, kasama ang potensyal na pagbawi ng mga business permit at lisensya.

Iginiit ni Go na mahalaga ang naturang mga regulasyon sa pagbibigay prayoridad sa kalusugan at kapakanan ng mga Pilipinong mamimili, lalo na ng mga kabataan.

AUTHOR PROFILE