belmonte

Belmonte: Pagbagsak ng pader imbestigahan

August 18, 2023 Cory Martinez 209 views

INIUTOS ng Quezon City Mayor Joy Belmonte na imbestigahan at busisiin ang dahilan ng pagbagsak ng pader sa City Hall Compound Civic Center B Building na ikinasawi ng isa at ikinasugat ng tatlong iba nitong Huwebes ng gabi.

Sa inisyal na ulat dakong 10:00 ng gabi ay nagsasagawa ng demolisyon sa lugar ang apat na biktima na pawang mga trabahador ng MRB II Construction Corporation nang biglang bumagsak ang pader.

Ang demolisyon ay isinasagawa upang makapaglagay dito ng isang scenic elevator sa unahan ng gusali.

“Inatasan na natin si City Engineer Atty. Dale Perral na pangunahan ang imbestigasyon sa insidente at tingnan kung may dapat managot sa insidente.Isa sa mga unang aalamin ang sistemang pinaiiral ng kontratista sa construction site, at kung binigyang-halaga ba ang aspeto ng occupational safety para sa kanilang manggagawa,” pahayag ng alkalde.

Sa panig naman ni City Engineer Atty. Dale Perral, ang pader na tatanggalin ay bahagi ng architectural wall at hindi makakaapekto sa structural integrity ng buong gusali.

“Rest assured that the Civic Center B is still structurally sound and safe for use. Just the same, we will ensure that the construction site, especially the ground floor, will be cordoned off and safe for passersby and city hall employees,” pahayag ni Atty. Perral.

Sinabi ni Perral na ang imbestigasyon ay isesentro sa compliance ng contractor sa occupational, safety at health standards. Anya magpapatuloy ang konstruksiyon sa lugar habang may dagdag na safety measures na ipatutupad dito.

Inatasan din ni Belmonte ang kinauukulang mga tanggapan sa QC LGU na pagkalooban ng financial assistance ang pamilya ng namatayan at bigyan ng medical assistance ang mga nasugatan sa aksidente.

“Magpapaabot tayo ng tulong sa pamilya ng nasawi at karampatang atensyong medikal sa mga nasaktang manggagawa.” Dagdag ng alkalde. Nina CORY MARTINEZ & ZAIDA DELOS REYES

AUTHOR PROFILE