‘Bawasan’ pagkain ng ‘ampalaya,’ Sen. Risa

August 29, 2022 Paul M. Gutierrez 185 views

PaulBINABASA ninyo ito dear readers, ginaganap naman sa National Press Club (NPC) ang unang pambansang selebrayon ng Pambansang Araw ng Kalayaan sa Pamamahayag (National Press Freedom Day), kaalinsabay ng ika-172 kaarawan ni Gat. Marcelo Hilario Gatmaitan ‘Plaridel’ Del Pilar, ang ating dakilang bayani at kinikilala bilang ‘Ama ng Pamamahayag sa Pilipinas’ (Father of Philippine Journalism).

Ang taunang selebrasyon upang kilalanin ang kahalagahan ng pamamahayag sa ating demokrasya kasabay ng paggunita sa naging buhay at mga ambag ni Gat Del Pilar sa ating pakikiabaka para sa pambansang kasarinlan ay itinatakda na ngayon sa ilalim ng RA 11699 na naging ganap na batas matapos lagdaan ni Pang Rody Duterte nitong Abril, bago siya bumaba sa puwesto.

Umabot naman ng tatlong Kongreso (16-18th Congress) bago ito “naipanalo” ng NPC, kasama ang iba pang mga kapatid natin sa midya.

Muli, salamat, Mr. President sa iyong totoong pagmamalasakit sa propesyon ng pamamahayag at sa hanay ng mga mamamahayag. At siyempre, pasasalamat ulit kay Sen. Bong Revilla, na siyang “nagtimon” ng panukalang batas sa Senado hanggang malagdaan ito ni PDU30.

Para sa unang selebrasyon, naghanda ng simpleng programa ang NPC kasabay ng ating paniwala na sa mga susunod na taon higit na magiging makulay, malawak at may kabuluhan sa bawat isa sa atin ang mga gaganapin nating pagdiriwang.

***

Nabanggit na rin lang ang Senado, ang Mataas na Kapulungan ng Kongreso, dapat nating tandaan na ito ay isang institusyon na tumatakbo sa mga patakaran o ‘rules.’

Mahalaga ito dahil sa dami ng mambabatas — lampas 300 sa House at 24 naman sa Senado — kailangang may set of rules na susunod ang lahat para maayos ang takbo ng diskusyon.

Madalas paaalahanan ng mga mambabatas ang isa’t isa sa rules dahil nailatag na ang mga ito at mas madali ang trabaho nila kung susundin. Masalimuot man, ine-expect ang lahat ng mambabatas na alamin at palaging tandaan ang mga batayang alituntunin ng Kongreso.

Kaya’t medyo kataka-taka na parang hindi alam ni Senador Risa Hontiveros ang rules pagdating sa kung sino ang nasa ‘minority?’

Kita natin ito sa pagpili noong nakaraang Martes ng Minority Leader sa Commission on Appointments (CA) na binubuo ng mga miyembro ng House of Representatives at Senate.

Si Senador Alan Peter Cayetano na isang independent sa Senado ang napili, at gayong hindi naman ito tinutulan ni Hontiveros, humirit ito sa isang manifestation na may “serious concern” daw siya. Hindi raw “original member” ng minority si Cayetano sa Senado.

Sa pahapyaw na tingin, may katuwiran si Hontiveros. Sa Senado kasi, ang tinatawag na “Minority” ay binubuo niya bilang Deputy Minority Leader at ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel III bilang Minority Leader.

Si Cayetano naman, kasama ng kanyang ate na si Senador Pia Cayetano, ay piniling maging “independent” — para maaari silang kumilos nang malaya at hindi puro lang tutol o protesta ang gagawin.

Pero ano ba ang katotohanan? Ayon din mismo kay Hontiveros, ang Supreme Court na ang nagsabi na ang Senado lang ang maaaring magpasiya kung sino ang nasa minority. At ano ang pasiya ng Mataas na Kapulungan? Pakinggan natin ang paliwanag ni Cayetano:

“Based on the rules of the Senate, if you vote for the Senate President, you are in the majority; if you do not, you are in the minority.”

Simple. Wala nang pasikot-sikot na mga dahilan. Karapat-dapat mapiling Minority Leader si Cayetano sa CA dahil base na mismo sa rules at “tradisyon” ng Senado, nasa minority rin siya dahil hindi niya ibinoto si Senador Juan Miguel Zubiri bilang Senate President.

Mukhang bitter lang yata si Senador Hontiveros dahil hindi siya ang napiling Minority Leader?

Samantalang “siya” ngayon ang kinikilang “lider” ng mga Dilawan matapos ipasa sa kanya ng talunan na si Vice President Leni Robredo ang “trono.”

At kung katulad ni Sen. Risa, hindi rin ibinoto ni Sen. Alan si SP Migz, bakit tila “ayaw” niyang kilalanin na kasama sa minority ng Senado si Sen. Alan? Dahil ‘independent’ ang paninindigan nito sa Senado at “ayaw” din na lumipat sa partido ng mga Dilawan, ang Liberal Party (LP).

Pero ganyan lang naman talaga ang takbo ng buhay: hindi maaaring sa lahat ng bagay ay nasa posisyon, kasehodang si Sen. Risa pa ang “lider” ngayon ng mga Dilawan.

At sa isang demokrasyang buhay na buhay tulad ng Pilipinas, dapat i-expect na natin na minsan ay hindi natin makukuha ang gusto natin.

Minsan mananaig din ang tama, at dapat hindi tayo maging bitter kung mangyari ito.

Translation ng mga miron? “Bawasan” daw ni Sen. Risa ang “pagnguya” ng ampalaya, para hindi siya ‘bitter,’ hehehe!

Tama ba, Boss Joey Venancio?

AUTHOR PROFILE