Default Thumbnail

Kakayahang timbangin ang mali at tama para sa bansa

August 29, 2022 Allan L. Encarnacion 301 views

Allan EncarnacionSA paglabas ng kolum na ito ngayong araw, naka-graduate na kahapon, Lunes, August 29, ang anak kong bunso sa Ateneo de Manila University.

Sa araw ng baccalaureate mass, Saturday, August 27, doon nag-deliver ng kanyang valedictory address ang kanilang batch cum laude. Hindi kami dumalo sa mass pero pinanood sa akin ng aking anak ang speech ng kanilang valedictorian.

Tinapos ko talaga ang speech habang kasama kong nanonood si Deivid Allan. Bago matapos ang valedictory address, nasira ang online coverage nila pero narinig ko iyong linya na sa tingin natin ay nakakadismaya.

“Pagkatapos ng 30 taon, nakabalik ang anak ng diktador!” Para sa akin, way out of bounce ang ganitong klase ng linya para isang pagtatapos na naghahanap ng inspirasyon ang mga kapwa mag-aaral at magulang na nagsikap mapag-aral ang kanilang mga anak sa magandang unibersidad.

Sa bukana pa lang ng speech niya, alam kong pro-Leni na siya kasi ginamit niya ang “radical love.” By the way si Madame Leni nga pala ang commencement speaker. Okey pa rin sana iyong ipakita ang kanyang kulay pullitika pero para sabihing mali ang boto para kay PBBM, sa tingin ko wala sa hulog.

Ang problema talaga sa mga sarado ang isip, ang nakita nila ay ang pagkapanalo lang nila former President Rody Duterte at Pangulong Bongbong Marcos na kanilang matinding ikinagagalit. Wala silang realization kung bakit ito nangyari matapos ang 1986 People Power revolution.

Lahat ng tiyansa para hindi magkaroon ng Duterte sa Palasyo ay nasa kamay ng mga nagwagi sa rebolusyon. Lahat din ng pagkakataon ay nasa poder ng mga tao at mga lider na umupo after 1986 para hindi magwagi ang anak ni FM. Kung pinagbuti lang talaga nila, walang Duterte, walang Marcos sa palasyo.

Ang totoo, ang mga kapabayaan, ang kapalpakan at ang kawalang direksiyon ng bansa pagkatapos ng 1986 people power ang dahilan kung bakit may Duterte at may Marcos na magkasunod sa Palasyo.

Wala man lang bang pagmumuni-muni ang mga taong katulad ng Ateneo veledictorian na maglatag ng mga dahilan para maging timbangan ng kanilang kaisipan?

Wala itong pinag-iba sa isang babae na pinabayaan, binugbog at ginutom mo tapos nang makakita at umibig sa isang taong mas mabuti sa iyo, mas may kinubakasan kaysa sa iyo, sasabihan mong malandi, haliparot at bobo!

Aminin man nila o hindi, ganoon ang ginawa nila sa bayan sa mahigit 30 years. Wala kayong ginawa para ayusin ang bansa pagkatapos ng 1986 revolution kaya may sumulpot na probinsiyanong Duterte at kalaunan ay inihalal ng mga tao si PBBM.

Ang paniwala kasi ng ibang tao dyan, sila lang ang mabuti, sila lang ang may malasakit sa bayan at sila lang ang pag-asa ng bansa kaya kapag hindi nila kandidato ang naiboto, masama ang tingin nila sa nanalo!

Siyanga pala, cum laude rin ang anak ko sa Ateneo. Congratulations bata, manag-mana ka talaga sa nanay mo! Hindi kami magkatulad ng pulitikal na paniniwala ng anak ko pero umiiral ang demokrasya sa aming tahanan. Sa tingin niya, si Leni ang dapat nanalong Presidente pero iba naman ang aking paniniwala.

Row 4 man ako at nasa tabi pa ng basurahan noong nag-aaral pero sigurado akong mas kaya kong timbangin kung ano ang tama at kung ano ang mali para sa bansa.