Default Thumbnail

Balik-Ilocos Norte

March 20, 2023 Allan L. Encarnacion 300 views

Allan EncarnacionTAONG 1989 nang ipadala ako ng Abante na mag-cover sa Batac to Manila march. Martsa ito ng mga loyalista para hilingin sa pamahalaang Aquino ang pagbabalik ng labi ng yumaong dating Pangulong Marcos.

Working student ako as correspondent ng Abante nang makapunta ako sa Ilocos sa mismong bahay ng mga Marcos kung saan nakaburol noon si Dona Josefa.

Sakay kami ng Philippine Rabbit na hindi pa aircon patungong Batac dahil doon magsisimula ang martsa ng mga loyalista ng mga Marcos papuntang Manila.

Doon ko nakilala sina Atty Oliver Lozano at ang aktres na si Alona Alegre.

Hindi ko na matandaan paano ko na-survive iyong Batac to Manila march na iyon na 253 miles or 407 kilometers.

Pagkatapos ng 34 years, nakabalik ulit ako sa Ilocos Norte. Nitong nakaraang weekend, dumalo ako sa kasalan ng anak ng aming kaibigan sa Fort Ilocandia.

Pero hindi na ako nag-bus, nakaeroplano na ako. Manila-Loaog na halos 50 minutes lang ang biyahe. Parang hindi ko na kayang mag-bus ng ganoon kalayo mula Manila hanggang Laoag at lalong ayokong magmaneho sa ganoong distansiya mula Quezon. City. 15 hours pa ata ang biyahe noon mula Manila to Batac dahil wala pa namang SCTEX at TPLEX noon. Ngayon nasa 8 hours na lang ang biyahe by land.

Kapansin-pansin ang kakulangan ng economic activity sa Ilocos Norte na sa tingin natin ay kailangang masuportahan ni Pangulong BBM.

Ang Fort Ilocandia Hotel na isang historical site ay hindi masigla at walang masyadong turista. Sarado na pala ang casino doon na lalong nagpatamlay sa galaw ng hotel.

Sa labas naman, hindi na rin ganoon kasigla. Umikot naman kami hanggang windfarm sa Bangui na halos 75 km.ang layo mula sa Fort Ilocandia.

Ang maipupuri mo lang talaga sa Ilocos Norte, iyong magandang legacy ng matandang Marcos ay ang mga maayos at malalapad na mga kalsada.

Noong Batac to Manila march, nakita natin na halos bawat ikalawang kanto ay may mga public elementary at high school. Randam talaga ng mga Ilocano ang pagmamahal sa kanila ni Apo Macoy dahil sa mga serbisyo ng gobyerno.

Ramdam natin ang mahinang economic activity sa Ilocos kaya malaking bagay kung gayahin ni PBBM ang naging istilo ni former President Duterte na madalas maglagi sa Davao noong panahon niya.

Puwedeng magpatawag ng regular cabinet meeting si PBBM sa Ilocos para sumigla ang mga hotel at mga restaurant sa lugar nila. Makaakit din ng maraming turista ang madalas na Presidential activity doon.

Maraming malilikhang trabaho kapag sumigla ang turismo sa Ilocos.

Ang Fort Ilocandia ay mukhang abandonadong hotel, ang beach area nila ay parang pinagtaksilan ng panahon. Bagama’t okey naman ang room na natuluyan ko, hindi ko pa rin masabing swak ito para makaakit ng turismo.

Importanteng makahikayat ng maraming investors sa Ilocos habang Presidente si BMM para sumigla ang kabuhayan ng marami nating kababayan sa Norte. Maganda na ang infra sa lugar, kailangan na lang ng matinding suporta mula sa pamahalaan para mas bumilis at lumakas ang economic activities doon.

[email protected]