Default Thumbnail

35 Pinoy seafarers na biktima ng human trafficking naiuwi ng bansa dahil kay Congw. Marisa del Mar Magsino!

March 20, 2023 Marlon Purification 362 views

Marlon PurificationIBA talaga magtrabaho si Overseas Filipino Workers (OFW) Partylist Rep. Marisa Del Mar Magsino!

Panibagong 35 Filipino seafarers na biktima ng human trafficking ang nakauwi ng bansa sa tulong ng masipag na kongresista.

Kasama sina DFA USec. Eduardo De Vega, DMW USec. Hans Leo Cacdac, Asec. Francis Ron De Guzman, at OWWA Administrator Arnel Ignacio sila ay personal na sinalubong ni Magsino paglapag sa Ninoy Aquino International Airport mula sa bansang Namibia.

Naikuwento ng mga sinagip na Filipino seafarers na sila ay nagtrabaho bilang mga mangingisda sa Namibia at nakaranas ng mga paglabag sa kontrata na katumbas ng human trafficking.

Nabatid na 21 buwan na nakasakay sa barko at nagtatrabaho sa Namibia ang mga biktima nang masangkot ang barkong pinagtatrabahuhan sa illegal fishing kaya’t nasama sa mga nahuli at na-detain ng mga awtoridad ng Namibia ng pitong buwan.

Sa kanilang paglalahad, nagkaroon din anila ng mga paglabag sa kanilang suweldo dahil hindi naibibigay ang kanilang buwanang kita nang buo at mas mababa sa exchange rate ang kanilang natatanggap.

Sinabi ng mga seafarers na wala rin silang mga working visa nang unang dumating sa Namibia.

“Matindi ang pinagdaanan ng 35 nating mga kababayan sa kanilang napagtrabahuhan sa Namibia. Hindi ko aakalain na ang mga matitikas na kababayan nating ito ay biglang mapapaluha nang i-kuwento nila sa amin ang kanilang karanasan,” ani Magsino.

Nang sila aniya ay humingi ng tulong sa tanggapan ng OFW Partylist, kaagad nakipag-ugnayan ang kongrestista kina DMW Secretary Toots Ople at kay Usec. Eddie De Vega upang magawan ng paraan ang mabilis nilang pag-uwi mula sa Namibia.

“Sa buong pwersa ng OFW party list, DMW, DFA, OWWA, ating Embahada sa Pretoria, at Gobyerno ng Namibia, sila’y nakauwi by batches simula March 15 hanggang sa gabi ng March 19. Salamat sa lahat ng tumulong, lalo na sa ating Panginoon sa Kanyang proteksyon at kalinga sa kanila”, dagdag ni Magsino.

Nakaplano na rin ang imbestigasyon ng DMW sa mga manning agency na diumano’y lumabag sa mga karapatan ng 35 OFWs, nagdala sa kanila sa Namibia nang walang maayos na dokumento, kumubra sa kitang dapat nilang matanggap, at hinayaang sila’y masangkot sa iligal na gawain at ma-detain ng pitong buwan sa Namibia.

Nagsasagawa rin aniya ng hiwalay na imbestigasyon ang gobyerno ng Namibia sa nakitang sitwasyon ng mga seafarers.

Sa mga natuklasang paglabag, kinasuhan ng Government of Namibia ng trafficking-in-persons ang kanilang employer.

“Higit sa kanilang karanasan sa Namibia, nakakalungkot din na sila’y nagtiwala sa mga kapwa Pilipino sa ating manning agencies ngunit itong kapwa Pilipino pa ang nambudol, nagpahamak, at nagpabaya sa kanila. Dapat tanggalan ng lisensya ang mga manning agency na sangkot dito dahil sila ang naging kasangkapang mapasok sa human trafficking ang ating mga kababayan,” anana mambabatas.

“Patuloy tayong magiging sandigan ng 35 seafarers hanggang sa maibigay sa kanila ang nararapat nilang matanggap at maparusahan ang mga taong nagdala sa kanila sa panganib,” wika pa ng OFW Partylist representative.

Isa sa mga adbokasiyang ipinaglalaban ng OFW party list, kasama ang DMW at DFA, ang pinaigting na laban sa illegal recruitment at human trafficking ng mga OFWs.

Bunsod ng malawakang dayalogong naganap kasama ng mga ahensya ng pamahalaan noong Pebrero patungkol sa isyung ito, magkakaroon ng mga karagdagang panukalang batas ang OFW party list laban sa illegal recruitment at human trafficking.

Tumutulong din ang OFW party list sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa mga hakbang nito laban sa human trafficking nga mga OFWs.

Sa puntong ito, muli nating sinasaluduhan si Cong. Magsino, sampu ng kanyang mga staff at iba pang ahensiya ng pamahalaan na hindi napapagod at nagsasawang sagipin ang mga kababayang OFW na inaabuso sa labas ng bansa.