Default Thumbnail

Bakit nga ba mahal ang Internet?

March 20, 2023 Paul M. Gutierrez 369 views

PaulHINDI nag-iisa si Senator Sherwin Gatchalian sa kaniyang pagkadismaya sa mataas na bayad ng Internet sa Pilipinas. Mas mahal pa nga ito kumpara sa Singapore na di hamak na mas mabilis ang internet connection.

Alam naman natin na sa panahon natin ngayon ay sobrang kailangan ng Internet. Masasabi nating hindi uusad ang buhay ng marami sa atin na walang Internet. Mapanegosyo, serbisyo at maging edukasyon ay lubha ang pagkadepende sa Internet connection.

Sa ganito pa lamang makikita na natin na marami ang gumagamit ng Internet sa araw-araw at dahilan kung bakit marami o malaki ang kinikita ng mga internet service providers. Ang problema dahil alam nilang kailangan na kailangan na parang gasolina, pataasan ng presyo.

Dahil sa ayaw at sa gusto ng mga tao kailangan nila ng Internet kahit na mahal. Ang tanong kung makatarungan ba ang presyo ng Internet sa Pilipinas kung pagbabasehan ang nakukuhang serbisyo ng marami?

Syempre malinaw po na hindi dahil sobrang bagal po ng Internet sa Pilipinas. Ayon nga po kay Sen. Gatchalian sa isang forum ng Senate Public Services Committee, ang average monthly speed ng internet services ay hindi bababa sa 60 megabits per second (mbps) na ang halaga ay halos P2,057. Batay ito sa tantsa ng crowd-sourced global database Numbeo.

Mas mataas ito ng limang porsiyento sa monthly cost sa Singapore na nasa P1,951 lamang. Mas mura kumpara sa Pilipinas at may average speed na 234.6 pagdating sa fixed broadband connection. Isa sa pinakamabilis sa Asya.

Samantalang ang Pilipinas ay may average downloads clocking lamang na 24.6 mbps. Mas mabagal pa tayo sa bansang Brunei.

Sa ganito lamang na datos makikita po natin kung paano tayo sinasamantala ng mga internet service providers.

Sinasamantala tayo na alam nilang kailangan na kailangan natin ang Internet kaya nakakapagdikta sila ng gusto nilang presyo. Kung gusto mong mas mabilis na Internet ay kailangan mo magbayad ng mas mahal.

Kaya naman kailangan talagang magtrabaho ng mga nasa gobyerno kung paano mapapababa ang halaga ng Internet sa Pilipinas. Dahil alam po natin na maraming maitutulong sa atin ang mabilis na Internet. Mas mapapadali po ang lahat ng mga bagay at tiyak na may maitutulong ito sa ating ekonomiya.

Halimbawa na lamang kung iisipin natin na madali sa mga negosyo ang makipagtransaksiyon online, mas mabilis ang mga order ay mas marami itong kikitain at makapagpapalago pa ng negosyo.

Mas mapapaunlad din ang serbisyo ng gobyerno dahil alam naman natin na marami na sa mga serbisyo ng gobyerno ngayon ay online na. Kung mabagal ang Internet connectivity sa bansa, bale wala ang online services ng gobyerno. Mas magdudulot pa ito ng dagdag problema kesa makatulong na mapagaan ang serbisyo sa publiko.

Makakatulong din ito sa edukasyon lalo na ngayong nauuso na ang blended learning kung saan malaki ang pagkadepende sa Internet ang ganitong klase ng set-up. Kung magiging maayos at mura ang Internet mas maraming kabataan ang hindi mahihirapan.

Ilan lamang ito sa maraming maitutulong ng epektibo at murang Internet services. Ganito rin marahil ang iniisip ng ibang bansa kagaya ng Singapore na kung mapapaunlad nila ang kanilang Internet ay hindi mapag-iiwanan ang kanilang ekonomiya.

Sa atin sa Pilipinas, ang umuunlad lang ay ang mga internet service providers na hawak din ng mga oligarko na may kontrol sa ating kuryente at tubig. Ang nagdurusa ay ang mga ordinaryong mga mamamayan. Kaya naman kailangan mabusisi talaga kung makatarungan ba talaga ang halaga ng Internet sa Pilipinas?

Magkakaroon kaya tayo ng pagdinig sa Senado at Kongreso kaugnay nito? Sana po. Isang malaking sana dahil lubhang maraming Pilipino ang makikinabang po dito.

Dahil sa totoo lamang po, kung bakit mahal ang Internet sa Pilipinas ay dahil sa may mga negosyanteng walang kabusugan sa kanilang kinikita.

AUTHOR PROFILE