Default Thumbnail

Ang ‘Erice Drug Case’ at VM Honey, hindi “matapobre”

April 7, 2022 Paul M. Gutierrez 444 views

PaulDAGSA ang mga isyu naglalabasan tuwing panahon ng eleksyon. Ang mga baho na ilang taong tinakpan at itinago biglang umaalingasaw. Dito napapatunayan na walang bahong naitatago lalo’t isa kang pulitiko. Ang mga matatapang at walang gustong itago, nagpapaliwanag.

Ang iba nananahimik at umaasa na makakalimutan na lang ng taumbayan ang kanilang nakaraan.

Sa Caloocan, marami ang nagtataas ng kilay sa “pangako” ni Cong. Egay Erice na isa sa kanyang “prayoridad” ay ang “paglaban” sa iligal na droga, sakaling mahalal bilang mayor sa darating na halalan.

Eh, bakit hindi sila magtataas ng kilay, dear readers, samantalang, nakakulong pa rin (sa ating pagkaalam) hanggang ngayon ang kanyang anak na si Egay Erice Jr., sa kasong pagbebenta ng iligal na droga!

Sa mga tagasubaybay, natalakay na natin dito ang kaso ni Egay Junior noon pang Marso 10, kung saan nahuli ito kasama ang isang ‘Biboy/ Rafael Alberto,’ sa isinagawang ‘buy-bust operation ng Caloocan PNP noong Marso 12, 2018.

Aber, paano kaya “lalabanan” ni Cong. Egay ang problema ng droga sa Caloocan samantalang mismong ang kanyang anak ay “sabit” dito?

At papalapit ang halalan, hindi pa rin nililiwanag ni Erice—isang “solidong Dilawan”—ang insidenteng kinasasangkutan ng kanyang anak.

Oops! hindi natin “kinakalaban” si Cong. Erice. Ang sa atin lang, ibigay nya ang nararapat na paliwanag sa mga taga-Caloocan. Ito’y isang mabigat na problema a kailangang harapin dahil may pananagutan sya sa bayan at sa kanyang nasasakupan.

At siya nga pala, maraming mga disente sa Caloocan ang hindi bumilib sa ginawa ni Erice na “paglundag” sa kampo ni Mayor Isko, ang Aksyon Demokratiko, mula sa LP noong isang taon. Kumbaga, “galawang trapo” daw ang kanyang ginawa, hehehe, ayy, huhuhu!

Naniniwala rin tayo na marami sa Caloocan ang sasang-ayon na ayaw nilang pamunuan ng isang opisyal na tila “pinagtatakpan” ang isang napakaselan na bagay—ang kampanya ng gobyerno laban sa salot ng iligal na droga.

Kumbaga, marapat lang na unahin ni Cong. Egay na linisin ang kanyang “bakuran” bago niya ipagpatuloy ang kanyang kandidatura.

Hindi na uubra sa mga mamamayan ng Caloocan ang mga “panis” na taktika ng mga Dilawan na dedmahin ang isyu laban sa kanila habang “nagmamagaling” sa harapan ng madla.

At teka, hindi ba napabalita rin dati na “pinasabog” ang kanyang sasakyan? ‘yun bang estilong ‘ambush me’ para lang maibintang sa kalaban?

***

Ngayong araw ng Biyernes, gagawin ang ‘Manila Mayoralty Candidates Forum’ na isang ‘joint project ng National Press Club (NPC) at Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII).

Sa Mayo 9, araw ng halalan, 5 ang nag-aambisyon na pumalit kay Mayor Isko sa City Hall—VM Honey Lacuna-Pangan, Atty. Alex Lopez, Cong. Amado Bagatsing, retired police general, Elmer Jamias at Christy Lim, anak ni dating Manila mayor, Fred Lim.

‘Full media coverage’ ang okasyon at mayroon pa ngang inihandang ‘live streaming’ ang NPC.

Agad namang nagpahayag ng kanilang pagdalo ang mga kandidato—maliban na lang kay VM Honey Lacuna.

Ayon sa natanggap nating “pasabi” ng kanyang kampo, meron na raw kasing “prior commitment” ang “partner” ni Mayor Kois kaya hindi siya dadalo.

Sa ganang atin, malaking pagkakataon ang sinayang ni VM Honey dahil kahit ang malalaking negosyante sa ating Fil-Chinese community—na siyang “bumubuhay” sa Maynila at sa ating ekonomiya– ay inaasahan natin ang pagdating at pakikinig sa sasabihin ng mga kandidato.

Baka naman “umiiwas” lang siya sa mga isyu na maaring itanong hinggil sa pamamalakad nila ni Yorme, katulad nang kung bakit ibinenta nila ang Divisoria Public Market?

O sadyang ‘feeling winner’ na siya kaya hindi na niya kailangan pang “magpapansin” sa media at sa mga negosyante ng Maynila?

Puwede rin kayang nasa “karakter” talaga ni VM Honey ang pagiging “suplada” sa mga ordinaryong tao at grupo katulad ng NPC at FFCCCII?

Kung sa bagay, marami ang nakakapansin sa “ugaling suplada” ni VM Honey.

Oops! Hindi siya matapobre, lilinawin ko lang. May “pagka-suplada” lang, hane?

AUTHOR PROFILE