Default Thumbnail

Aktibong kaso ng COVID-19 sa Las Piñas bumaba sa 12

December 18, 2021 Edd Reyes 255 views

BUMABA na sa bilang na 12 ang aktibong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Lungsod ng Las Piñas nitong Disyembre 17, bunga ng tuloy-tuloy at puspusang pagtugon laban dito ng pamahalaang lokal.

Batay sa ulat ng Las Piñas City Health Office (LPCHO) nitong Disyembre 17, walang naitalang karagdagang kaso ng COVID-19 kaya’t sa nasa kabuuang 29,673 na kumpirmadong kaso sa pagkahawa ng mga sakit dulot ng coronavirus, 28,952 rito ang nakarekober o gumaling na, at 709 naman ang naitalang namatay.

Ayon pa sa LPCHO, sa kasalukuyan ay umakyat na sa 12 ang bilang ng mga barangay na may zero COVID-19 case buhat sa kabuuang 20 na barangay sa lungsod.

Ikinatuwa naman nina Mayor Imelda Aguilar at Vice Mayor April Aguilar ang patuloy na pagbaba ng mga kaso sa lungsod, kasabay ng muling paalala sa mga mamamayan nito na manatiling sumunod sa health at safety protocols lalo na ngayong panahon ng Kapaskuhan upang makaiwas sa mga sakit.

Pinasalamatan din ng mga opisyal ng pamahalaang Lungsod ng Las Piñas ang mga Las Piñeros sa patuloy nilang pakikipagtulungan at pakikiisa sa mga programa nito ng sa usaping pangkalusugan at bakunahan na malaking tulong sa pagbaba ng kaso sa lungsod.

AUTHOR PROFILE