Joey Sarte Salceda

20% diskwento sa bayarin ng mga bgy health workers isinusulong ng kumite ni Salceda sa Kamara

September 16, 2021 People's Tonight 501 views

ISINUSULONG ng House Ways and Means Committee, sa pamumuno ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda ang panukalang 20% diskwento sa mga bayarin ng mga ‘health workers’ sa 42,046 mga barangay sa bansa na napakababa ang mga sahod, para naman sila matulungan.

Pinagtibay ng kumite ni Salceda nitong linggo ang “substitute bill” o kapalit ng ilang panukalang batas na nagtutulak sa “Magna Carta for Barangay Health Workers or BHWs Act.”

Nakapaloob sa wala pang numerong “substitute bill” ang amyenda ng kumite na magbibigay ng 20% diskuwento sa mga bayarin ng mga ‘Barangay Health Worker’ (BHW) na kasama sa listahang kalakip sa “Expanded Senior Citizens Act of 2010.”

Ayon kay Salceda, kasama sa naturang mga bayarin ang lahat ng gastusing pangkalusugan, pamasahe sa pampublikong sasakyan, restoran at hotel, sinehan at mga gastusin sa burol at paglibing ng mga namatay.

Sa ibang mga panukala, ang nakasaad lamang ay 10% diskwento at “value-added tax (VAT) exemption” sa mga pangangailangang medikal ng mga BHW.

Ang karagdagang probisyon, ayon kay Salceda, ay “nagbibigay ng pagpapahalaga sa mga obligasyong sosyal natin sa mga BHW, na ang karamihan ay hindi sapat na nabayaran sa sinuong nilang mga panganib sa panahon ng pandemya, at hindi rin sila nakasama sa mga benipisyong laan ng “Bayanihan to Recover as One Act.’”

Ipinaliwanag ng mambabatas na sa ilalim ng Administrative Order No. 36, na naglalaan ng ‘special risk allowances’’ para sa mga ‘health care workers,’ ang naturang benipisyo ay para lamang sa mga BHW na nakatalaga sa mga ospital, laboratoryo at mga pasilidad na medikal o pang-quarantine.

“Para bang hindi nalalagay sa panganib ang mga BHW kung sila’y gumagawa ng ‘contact tracing’ o nasisilbi sa mga naka-quarantine sa kanilang mga tahanan. Hindi ganyan ang intensiyon namin sa Kongreso, kaya kailangangang ituwid natin, kahiy kunti,” dagdag ni Salceda.

Binigyan niya ng diin na ang mga BHW ang pinakamahalagang sangkap at bahagi ng balangkas na ‘granular lockdown system’ na ipapatupad sa mga lugar kung saan matindi ang hawaan at mga kaso ng COVID-19.

“Kung wala ang mga BHW, mawawalang bisa ang naturang balangkas. Napakalaki ng panganib nilang susuongin. Sila pa naman ang may pinakamababang kita, Marapat lamang na bigyan sila ng kaunting dagdag na pakinabang,” madiing pahayag ni Salceda.

AUTHOR PROFILE