17.4-M ‘illegal drugs,’ natimbog ng BoC-NAIA

December 11, 2022 Vic Reyes 90 views

Vic ReyesMGA air parcel na naglalaman ng illegal drugs na nagkakahalaga ng mahigit P17.4 milyon ay nadiskubre ng mga taga-Bureau of Customs (BoC) sa Ninoy Aquino Internatonal Airport (NAIA) noong Disyembre 9.

Apat ang inbound parcels habang dalawang pakete ang outbound, ayon sa BoC-NAIA, na pinamumunuan ni District Collector Carmelita “Mimel” S. Manahan-Talusan.

Ang anti-drug operations ay isinagawa ng BoC-NAIA, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG).

Ang dalawang outbound shipments, na papunta sana ng New Zealand, ay naglalaman ng white crystalline substance na shabu pala.

Nagkakahalaga ng P5.6 milyon, ang shabu ay may timbang na 828.8 grams at nakatago sa isang makapal na foam.

Ang apat na inbound parcels, na mula sa Mexico, ay nadiskubre ng mga operatiba ng gobyerno sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City.

Ang tatlong pakete naman na galing ng Estados Unidos ay naglalaman ng 44 cartridges na puno ng cannabis oil.

Ang mga iligal na droga ay nasa kamay na ng mga taga-PDEA for proper disposition.

Matatandaan na isa sa marching orders ni Pangulong Marcos kay Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz ay patigilin ang ismagling ng iligal na droga at produktong agrilkultura.

Naniniwala tayo na marami pang mga kontrabando ang masasakote ng mga kaibigan natin diyan sa waterfront dahil mas lalo pang pinaigting ng BoC ang kanilang anti-smuggling campaign.

Hindi ba, Commissioner Yogi Filemon Ruiz?

***

Lumang “modus operandi”na ang tinatawag na “Love Scam” pero marami pa rin sa ating mga kababayan ang nabibiktima nito sa ibat-ibang parte ng bansa.

Kaya nga sa Port of Davao ay nakikipagtulungan ang mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC) sa Philippine National Police (PNP) para matigil na ang panlolokong ito.

Noong nakaraang Nobyembre 29 ay nagpulong ang mga taga-Port of Davao at PNP Regional Anti-Cybercrime Unit (PNP-RACU) para pag-usapan ang problema.

Habang papalapit ang Araw ng Pasko ay marami pa ang mabibiktima ng mga taong nasa likod ng “Love Scam.”

Sa online scam na ito ay kinakaibigan muna ng isang dayuhan ang isang Pinay hanggang magkaroon sila ng “romantic relationship.”

Kapag nakuha na ang tiwala ng Pinay ay saka sasabihin ng dayuhan na may pinadala siyang regalo pero may kailangan daw babayaran sa Bureau of Customs para makuha ang regalo.

Kapag naibigay na ang pera ay mawawala na lang ang “kaibigang dayuhan” dahil wala naman talagang ipinadalang regalo.

Sa tingin natin ay malaki ang magagawa ng pagtutulungan ng dalawang ahensiyang ito para matigil na ang “Love Scam” na ito sa Davao City at buong Region XI.

Hindi ba, Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz?

***

Sa Biyernes, Disyembre 16, ay magsisimula na ang siyam na araw na “Simbang Gabi” sa Catholic at iba pang Christian churches sa buong Pilipinas.

Ang siyam na araw na “dawn masses” ay matatapos sa Disyembre 24, ang eve ng Christmas Day.

Nagsimula ang Christmas tradisyon na ito ng mga Katoliko noong panahon na sakop pa tayo ng Espanya, na isang Katolikong bansa sa Europa.

Ang “midnight mass”ay naglalayong mabigyan noon ang mga magsasaka ng pagkakataong makinig ng misa bago sila magpunta sa bukid para magtrabaho.

Ang “Simbang Gabi” ay isang tradisyon na pinakahihintay ng mga Pilipinong Katoliko hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo kung saan maraming overseas Filipino workers.

Pero huwag natin kalimutan na nandiyan pa rin ang nakamamatay na coronavirus disease (COVID-19).

Wala naman sigurong masama kung lagi tayong gumamit ng maskara habang nasa labas o nasa loob man ng simbahan.

TALAGA!

AUTHOR PROFILE