Default Thumbnail

‘WAG KANG TUMALON!

March 28, 2023 People's Tonight 359 views

‘Suicide’ ng lalaki naunsyami ng MPD

NAISALBA ng mga kapulisan ang isang lalaki na desidido na umano at nagtangkang magpakamatay diumano sa pamamagitan ng pagtalon nito sa isang tulay sa may Mabini Bridge sa Sampaloc, Maynila, araw ng Lunes.

Sa ulat ng Manila Police District (MPD) Sampaloc Police Station (PS) 4, ang biktima ay 30-anyos, at residente ng Sampaloc sa lungsod.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Wilson Villaruel, commander ng MPD Sampaloc PS-4, bandang alas-11:30 ng tanghali nang makatanggap sila ng report kaugnay sa isang lalaki na magtatangkang tumalon mula sa northbound ng Mabini Bridge sa nasabing lugar.

Agad na kumilos at nagtungo sa lugar ang mga kapulisan sa pamumuno ni Villaruel kasama ang kanyang mga tauhan, kabilang sina PSSgt. Justine Dimaano, at P/Cpl. Jason Soriano ng Lacson Police Community Precinct (PCP) upang kausapin at pigilan ang lalaki sa kanyang binabalak.

Dumating din ang mga tauhan ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) at Bureau of Fire Protection (BFP) para sa agarang responde.

Makaraan ang ilang minutong malumanay na pakikipag-usap sa lalaki, nakakuha ng tiyempo ang mga operatiba matapos makuha ang atensiyon ng lalaki at saka sinunggaban upang mapigilan ito sa planong pagtalon sa tulay.

Matapos mahimasmasan ng grupo ni Villaruel at nasigurong ligtas ang lalaki, itinurnover ito sa mga emergency response at kapatid nitong babae.

Patuloy pang inaalam ng mga kapulisan ang motibo nito sa tangkang pagtalon sa nasabing tulay.

Pinapurihan at pinasalamatan ni MPD Director P/Brigadier Gen. Andre P. Dizon ang mga kapulisan ng Sampaloc at si Villaruel, lalo na sa pagligtas sa biktima sa bingit ng panganib.

AUTHOR PROFILE