Default Thumbnail

Kelot dedo sa ratrat ng baril sa Tondo

March 28, 2023 Jonjon Reyes 358 views

ISANG kelot ang bumulagta matapos paulanan ng sunod-sunod na putok ng baril at patay na nang madatnan ng mga barangay tanod na nagroronda sa isang lugar sa Tondo, Maynila lunes ng hapon.

Tinatayang nasa edad 40 hanggang 45 anyos ang biktima, nasa 5’7 hanggang 5’9 ang taas, katamtaman ang pangangatawan, brown complexion, nakasuot ng grey na t-shirt, short pants na asul, at nakasuot ng tsinelas.

Batay sa ulat ni Police Captain Dennis Turla, hepe ng Manila Police District (MPD) Homicide Section, bandang 1:30 p.m. nang pagbabarilin umano ang biktima sa Mel Lopez Boulevard na dating Road 10, malapit sa Smokey Mountain sakop ng Barangay 128 sa Tondo.

Sa salaysay ng mga barangay tanod sa lugar, kasalukuyan umano silang nagroronda sa kahabaan ng Mel Lopez Boulevard, nang makarinig sila ng putok ng baril.

Nang kanila itong puntahan, dito na nila nakita ang biktima na naliligo sa sariling dugo mula diumano sa mga tama ng baril.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pamamaril.

AUTHOR PROFILE