Default Thumbnail

Droga, naipuslit sa Caloocan City Jail; PDL, tiklo

March 28, 2023 Edd Reyes 329 views

HINDI naging hadlang ang pagkakasadlak sa piitan ng isang kilabot na tulak umano ng iligal na droga upang ituloy ang iligal na gawain matapos madakip sa pag-iingat ng shabu, Lunes ng gabi sa loob ng Caloocan City Jail (CCJ).

Muling pinosasan ng mga jail officer ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa loob ng CCJ si alyas “Kalabaw,” 26, makaraang makumpiska sa kanya ang tinatayang 4.9 gramo ng shabu na may halagang P33,330.00 dakong alas-11 ng gabi habang nasa pasilidad ng naturang piitan.

Matapos ang isinagawang imbentaryo ng nakumpiskang droga na sinaksihan nina Barangay Kagawad Alejandro Bautista ng Bgy. 20, Caloocan City at batikang mamamahayag na si Ismael “Ka Maeng” Santos ng CAMANAVA Press Corp., dinala na ang suspek sa Drug Enforcement Unit (DEU) ng Caloocan Police para sa muling paghahain ng panibagong kasong pag-iingat ng droga.

Sa tinanggap na ulat ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, may nakarating na impormasyon sa tanggapan ni SJO3 Andrew Imatong, hepe ng Intelligence and Investigation Unit ng CCJ na nag-iingat ng iligal na droga ang nahuli muling “person deprived of liberty” (PDL) kaya’t inatasan niya si JO1 Jose Rickcel Tan na isagawa ang sorpresang pagkakapkap sa naturang suspek.

Humingi rin ng tulong si Tan kay JO1 Ricardo Salvan, Jr. at iba pang jail officers para isagawa ang pagrerekisa kaya’t napilitan ng mag-boluntaryo ang suspek na rekisahin ang kanyang bulsa at dito na nakumpiska ang dalawang zip lock na plastic at sampo pang plastic sachets ng shabu.

Napag-alaman na may kinakaharap ng kasong paglabag sa pagbebenta at pag-iingat ng iligal na droga ang suspek sa sala ni Presiding Judge Rodrigo Flores Pascua, Jr. ng Caloocan Regional Trial Court (RTC) Branch 122 matapos siyang madakip ng pulisya sa isang buy-bust operation.

Ipinasisiyasat na ni Jail Warden Supt. Jerome Verbo kung paano nagawang makapagpuslit ng iligal na droga sa loob ng pasilidad ang suspek at ang posibleng pagkakaroon niya ng kasabwat na tauhan mismo ng Caloocan BJMP.

AUTHOR PROFILE