Default Thumbnail

Motorcade ng Itim na Nazareno sa Biyernes Santo

March 28, 2023 Edd Reyes 239 views

TULAD ng nagdaang taon, sa halip na prusisyon ay isang motorcade ang isasagawa para sa imahe ng Mahal na Poon ng Itim na Nazareno ang gaganapin sa darating na Biyernes Santo, ika-7 ng Abril.

Ito ang inihayag ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan makaraan ang ginawang pagpupulong ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, pamunuan ng Minor Basilica ng Itim na Nazareno, at ng kapatiran ng Hijos Del Nazareno na silang nangangasiwa sa pagtiyak ng kalistasan ng imahe ng Itim na Nazareno sa pagsasagawa ng prusisyon.

“Huwag po kayong mag-alala, sa mga deboto po ng Mahal na Poong Nazareno, ito po ay bilang paghahanda sa mas malaki po nating pagdiriwang sa kapistahan po ng Mahal na Poong Nazareno sa darating na Enero 9, 2024. Ito po ang magiging batayan natin kung paano po natin isasagawa na maging maayos na pagdiriwang ng kapistahan ng Poong Nazareno,” pahayag ng alkalde.

Sa panig naman ni Fr. Rufino “Jun” Sescon, Jr., ang parish priest at rector ng Minor Basilica of the Black Nazarene sa Quiapo, sinabi niya na kaisa ang kaparian sa gaganaping motorcade bilang pagpapahayag ng debosyon sa Mahal na Poong Jesus Nazareno.

Ito rin aniya ang pagkakataon ng mga deboto, lalo na ang mga residente ng distrito ng Quiapo, na masilayan ang Mahal na Poong Itim na Nazareno.

“Alam po natin kung gaano na po ang pananabik ng mga deboto na makita at masulyapan ang Mahal na Poong Itim na Nazareno kaya nga bagama’t hindi po muna natin magaganap ang regular na prusisyon, ang motorcade po ang atin pong gaganapin upang masulyapan pa po natin ang ating Hari, ang Panginoon,” pahayag pa ni Fr. Sescon.

Ganito rin ang naging pahayag ng mga kinatawan ng Hijos Del Nazareno na dumalo sa ginanap na pagpupulong sa tanggapan ng alkalde sa Manila City Hall Lunes ng hapon.

AUTHOR PROFILE