Default Thumbnail

US-DTRA tutulungan ang BoC

October 26, 2022 Vic Reyes 274 views

Vic ReyesMABUTI at pati ang United States government ay tutulong na sa Bureau of Customs (BoC) para ma-enhance ang kakayahan ng ahensya “in handling weapons of mass destruction (WMD).”

Ang magandang balitang ito ay ipinarating kamakailan kay BoC Commissioner Yogi Filemon Ruiz ng mga opisyal ng US Defense Threat Reducation Agency (US-DTRA).

Sa isang courtesy call kay Ruiz, sinabi ng mga taga-US-DTRA na handa silang turuan ang mga tauhan bf BoC “in identifying, handling and transporting WMD materials.”

Ayon kay Commissioner Ruiz. ang BoC “would work closely with the US-DTRA in developing a comprehensive plan for the agency in addressing concerns in the handling of WMD.

Inisa-isa ni Ruiz ang “issues and challenges” na kinakaharap ng BoC sa paghawak ng tinatawag na “weapons of mass destruction.”

Binisita din ng mga Amerikano ang Manila Intenational Container Port, Port of Manila at Port of NAIA na pinamumunuan nina District Collectors Arnoldo Famor, Michael Angelo Vargas at Mimel M. Talusan, ayon sa pagkakasunod.

Sa tingin ng waterfront observers, kasama na ang mga importador at customs broker, talagang napapanahon ang pagtutulungan ng BoC at US-DTRA.

Abalang-abala kasi ang mga opisyal at tauhan ni Commissioner Ruiz sa pagpapaganda ng government service sa tinaguriang “snake-infested waterfront.”

Ito ay alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na ayusin ang day-to-day operations sa iba’t bang ports of entry sa buong bansa.

Kayang-kaya yan, Sir Yogi!

***

Kitang-kita sa ginagawa ng Marcos administration na ito’y pro-agriculture.

Hindi na ito nakapagtataka dahil alam ni Pangulong Bongbong Marcos na hindi puwedeng pabayaan ng gobyerno ang mga magsasaka, mangingisda at iba pang farm workers.

Hanggang ngayon sila pa rin ang bumubuo sa bulk ng populasyon ng Pilipinas na mahigit na ngayong 112 milyon.

Tama lang ang ginawa ni Pangulong Marcos na pamunuan niya muna ang Department of Agriculture (DA) hanggang hindi pa naaayos ang mga problema sa sektor.

Mahalaga para sa lahat ang food security. Maraming magugutom kung lagi na lang tayong aasa sa imported goods, lalo na ang bigas, asukal, isda at gulay.

Kung tutuusin, walang dahilan para tayo’y magutom dahil ang Pilipinas ay isang agricultural country.

Kayang-kaya natin pakainin ang ating mga kababayan kung tutulungan lang natin ang sektor ng agrikultura.

Maraming magsasaka ang ayaw ng magtrabaho sa bukid dahil sa liit ng kanilang kinikita kaugnay ng sobrang taas ng presyo ng gamit sa pagsasaka.

Lalo na ang pataba, pestisidio, gasolina at krudo.

Ang iba ay mas ginugusto pang magtrabaho sa construction dahil mas malaki pa ang kinikita ng mga karpintero.

Nakakalungkot naman, ‘di ba?

***

Anim na taon ding sinubukan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na tapusin ang drug abuse problem sa bansa.

Pero natapos ang kanyang termino na buhay na buhay pa rin ang kinatatakutang “drug monster” na siyang pangunahing kaaway ng bansa at taumbayan.

Kahit madugo ang “drug war” ni Duterte ay mukhang hindi nasindak ang mga sindikato ng iligal na droga.

At ngayon nga ay sakit pa rin ng ulo ng mga otoridad ang drug abuse. Ang maganda lang ay nasasakote ng mga otoridad ang mga droga sa iba’t ibang parte ng bansa.

Mahirap talagang patigilin ang illegal drug business dahil sa laki ng kinikita ng mga sindikato.

Isa pa, hindi sila natatakot dahil kulong lang ang parusa nila kapag nahuli sila. Wala kasing death penalty sa bansa.

Dahil mapera ang mga miyembro ng sindikato, baka ma-absuwelto pa sila dahil kayang-kaya nilang kumuha ng mga magagaling na abogado.

Pero naniniwala tayo na hindi papayag ang mga otoridad, lalo na si Pangulong Bongbong Marcos, na sirain ng mga salot na drug lord ang kinabukasan ng ating mga kabataan.

Maghintay-hintay lang kayo, mga miyembro ng sindikato. Aabutin din kayo ng mahabang kamay ng batas.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE