Default Thumbnail

Cancer na problema sa ‘oblo’

October 26, 2022 Allan L. Encarnacion 223 views

Allan EncarnacionHINDI lang isang daang ulit na nating narinig ang kuwento na iyong mga nasa Bilibid ang pasimuno sa pagpapakalat ng droga sa loob at labas, iyong mga nasa oblo ang lider ng mga carnapping sa laya, iyong mga nasa selda ang nag-uutos magpapatay sa ibang kaaway nila sa labas at ang pinakamabigat ay iyong convicted na nasa maximum security pa ang nagbibigay ng direksiyon sa mga nagbababantay sa kanila sa Munti.

Hindi lang natin sa pelikula ito napapanood, actual itong nangyayari sa ating harapan, actual itong sinasabi ng mga taong mismong labas-pasok sa loob at ang mga testimonya nangggaling sa mga preso na iyong iba nga ay nahatulan ng life or kamatayan noong may death penalty pa.

Kung ang korapsiyon sa laya ay madalas patago pang ginagawa dahil lantad sa publiko ang kanilang galaw, iba sa mga nasa Bilibid na napapalibutan ng higanteng mga pader at sangkatutak na rehas cum barbwire. Nakatago sila, walang nakakakita, sarili nila ang mundo.

Ito ang sistemang humahadlang sa pag-iral ng totoong hustisya dahil mismo sa mga taong namamahala ng ating mga bilangguan. Dalawa ang school of thought dito, nangyayari ang mga krimen sa Bilibid nang hindi alam ng mga namamahala or nangyayari ang mga ito dahil ang mga namamamahala ang siyang may pakana.

Ang mas malaking problema natin dito, mas ginugusto na ng mga kriminal na makulong at mahatulan para mas madali nilang maisagawa ang kanilang mga krimen. Hindi na nga naman sila matatakot makulong kasi nakakulong na sila, hindi na rin sila pagbibintangang sangkot pa sila sa krimen dahil nga nasa Munti na sila. Wala silang kahuli-huli! May bantay na, free meals and lodging pa!

Hindi bagong bagay na mga may presong lider ng sindikato na nakakapag-utos or nakakalabas pa nga mula sa Bilibid. Inabutan na ito ng PBBM administration, inabutan na ito ni Justice Secretary Boying Remulla.

Dinatnan na rin ito ng administrasyon nina dating Pangulong Duterte, ni yumaong Noynoy Aquino, ni former President Arroyo, Erap, Ramos, Cory at FM. Kahit umatras pa tayo hanggang sa termino nila President Aguinaldo at President Quezon, ang mga sistemang umiiral sa loob ng Munti ay hindi kagagawan ng gobyernong nasa labas.

Ibig sabihin, sistema itong umiiral sa loob mismo ng selda, sa loob mismo ng Bilibid na hindi nabago kahit ilang ulit magpasalin-salin ang pamahalaan.

Ito ay cancer na patakaran na hindi magagamot ng kahit sinong dumating na administrador ng ating mga bilangguan dahil mas malalim ang ugat ng problemang kanilang dinaratnan.

Hindi tayo magmamarunong, hindi natin alam ang solusyon kaya nanawagan tayo sa mga nasa pamahalaan na lutasin ang talamak na sistemang ito kung may plano pa tayong sagipin ang ating republika na binababoy ng sabwatan ng mga kriminal at ng mga namamahala sa kanila sa kanilang mga selda.

[email protected]