Default Thumbnail

Lt. Col. Jhun Ibay karapat-dapat maging MPD Station 1 Commander

October 26, 2022 Edd Reyes 1810 views

Edd ReyesSWAK na swak kay P/Lt. Col. Rosalino “Jhun” Ibay, Jr. ang bagong posisyon bilang Commander ng Manila Police District (MPD) Station 1 o Raxabago Police Station sa Tondo dahil alam niya ang likaw ng bituka ng mga taga-rito bilang isa ring Tondo boy.

Sadya sigurong pinili ni MPD Director P/BGen. Andre Dizon si Col. Ibay na pamunuan ang naturang police station na sumasakop sa malaking bahagi ng Tondo District 1 na kinabibilangan ng 146 na barangay at dating kilalang tinitirhan ng maraming pasaway.

Pumatok ang pangalan ni Col. Ibay nang pamunuan niya ang Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) ng Manila City Hall sa panahon ni dating Yorme Isko Moreno at sa dami ng accomplishments, isang katerba rin ang inani niyang parangal, na dahilan upang madagdagan ng isa ang bulaklak sa kanyang balikat.

Nang maupo bilang hepe ng MPD Station 1, natigil kaagad ang halos gabi-gabing riot ng mga menor-de-edad sa kahabaan ng Road-10 at Capulong, katuwang ang mga tauhan ni Director Re Fugoso ng Manila Department of Social Welfare at nawala na rin ang mga ilegal na nakaparadang malalaking trak sa naturang lugar na madalas ay nagiging sanhi, hindi lang ng masikip na daloy ng trapiko kundi aksidente pa sa lansangan.

Natigatig din ang mga sangkot sa ilegal na droga sa nasasakupang lugar ni Col. Ibay nang madakip nila ang dalawang kilabot na drug pushers na sina alyas “Bobot” at “Brian”.

Sakit ng ulo ngayon ng mga drug pushers, holdaper, akyat-bahay at maging ng mga sangkot sa ilegal na sugal ang Commander ng Station 1 dahil bukod sa wala na silang ilegal na mapagkakakitaan, malamang na himas-rehas pa ang kanilang aabutin kapag itinuloy ang ilegal na gawain. Congrats Lt. Col. Ibay at belated happy birthday na rin. keep up the good work,

BGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. contender din bilang PNP chief

BUKOD kay NCRPO Regional Director P/BGen. Jonnel Estomo, lumulutang din si Police Regional Office-4 Director P/BGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. na posibleng humalili kay PNP Chief Rodolfo Azurin, Jr. sa oras na magretiro sa Abril ng susunod na taon.

Mabango ang pangalan ng dalawang opisyal dahil sa maayos nilang pamumuno at pagtalima sa lahat ng programa at proyektong inilunsad ng PNP, kabilang na ang pagpapanatili ng peace and order, pagbibigay ng serbisyo at proteksiyon sa mamamayan at paglilinis ng kanilang hanay.

Nakita rin ang katatagan sa pagsubok ng dalawang opisyal sa pagharap sa mga problema kaya walang duda na kapuwa sila kuwalipikado sa pinakamataas na posisyon sa PNP.

Ang tanging magiging sagabal lang siguro kay BGen. Nartatez ay ang umugong na reklamo sa isa niyang malapit na tauhan dahil hindi siguro alam ng butihing heneral na nakakaladkad ang kanyang pangalan nang pahintulutan ng kanyang tauhan ang ilegal na aktibidad sa mga lalawigang kanilang nasasakupan.

Kabilang dito ang mga inilatag na ilegal na pasugalan sa barangay Balabag, Balintawak at Sabang sa Lipa, Brgy. Uno sa Tanauan, Laurel Highway sa Malvar na pawang nasa Batangas, Cosico Ave. sa Brgy. Del Remedio Wawa sa San Pablo, Brgy. Kanluran Health Center sa Calauan at Brgy Baybayin Park sa Los Banos na nasa Laguna, pati na sa Poblete St. sa Brgy. Ibayo Silangan sa Naic, Calzadang Bago II, Malagasang II, at Salitran III sa Imus, Crisanto Delos Reyes Ave. sa Gen. Trias at kanto ng Niyogan at Aguinaldo Highway sa Bacoor na pawang nasa Cavite namn.

Baka makabawas sa pogi points ni BGen. Nartatez ang mga ilegal na aktibidad sa kanyang nasasakupang lugar kapag hindi kaagad niya narendahan ang tauhan.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE