‘Uncle Sam’ walang moral ascendancy sa mundo

March 31, 2022 Paul M. Gutierrez 170 views

PaulKINONDENA ng Philippine Consulate General sa New York City ang mga pag-atake sa ating mga kababayan sa Estados Unidos na pawang mga senior citizen na nasa 73-anyos ang isa. Nanawagan ang konsulado na gawing ligtas ang lugar para sa mga Asyano dahil pinaniniwalaan na ang pambubugbog na ginawa ay bahagi ng Asian hate na nangyayari ngayon sa Amerika.

Sa kasalukuyan nasa 34 na na mga kababayan natin ang nabibiktima ng ganitong pag-atake sa mga Asyano. Nakalulungkot at nakakagalit ang ganitong mga pangyayari.

Alam naman po ng marami nating kababayan dyan sa Amerika na “reyalidad” ang diskriminasyon doon, lalo na laban sa mga Asyano. Dahil nga mayroon silang kultura doon na white supremacy na para sa mga Amerikano sila ang pinakamakapangyarihang tao sa mundo.

Na para sa kanila ang Estados Unidos ay para sa mga Amerikano lamang.

Hindi po ito ang mukha na naipinakikita sa atin ng Amerika bilang tagapamandila ng kapayapaan at demokrasya sa daigdig dahil sa kanila mismong bansa hindi makapamuhay ng mapayapa ang mga Asyano.

Kung tutuusin ipinakilala ng Estados Unidos ang kaniyang bansa bilang pinakamaganda at pinakadakila na sa esensya parang hinikayat mo na puntahan ito ng mga mamamayan sa daigdig para makita.

Totoo, mayamang bansa ang Estados Unidos at makapangyarihang bansa at dahil dito maraming mga mamamayan sa daigdig, kabilang ang mga Pilipino, na nakikipagsapalaran para umasenso. Pero kung titignan nating mabuti ang kasaysayan ng Estados Unidos, ang yaman nito ay hindi lamang nagmula sa sarili nilang lupa kundi sa mga lupain na sinakop nila at pinagsamantalahan.

Kaya kung naroroon ang mga mamamayan ng daigdig para makipamuhay sa mga Amerikano at kahit paano ay matamasa nila yaman na ito ay ginagawa nila ito nang mapayapa.

Nagtatrabaho sila nang marangal at walang sinasamantala. Hindi katulad ng ginawa ng Amerika sa mga sinakop nito at tapos pinasunod sa gusto nila; ang mga gobyerno sa mga bansang ito, mistulang pinagsisilbi sa kung ano ang dikta sa kanila ng Estados Unidos. Katulad ng ginawa nila sa Pilipinas, tama ba, mga kabayan?

Kaya naman hindi mo aasahan na may mabuting interes ang Estados Unidos lalo na sa usapin ng West Philippine Sea (WPS) na nagpupumilit pumapel para umano sa kapayapaan sa nasabing lugar.

At muli, nakikialam na naman ang mga Kano, lalo na itong si Department of State Counselor Derek Chollet na dapat umanong magbigayan ng impormasyon ang Estados Unidos at Pilipinas para ‘makatulong’ sila sa WPS.

Sa totoo lang, kung nasaan ang mga Amerikano nandoon ang giyera. Kung nasaan ang interes ng Estados Unidos guguluhin nila at papasok sa eksena na para bang sila ang magbibigay ng kapayapaan.

Mas makatutulong sa Estados Unidos kung mapoprotektahan muna nito ang mga mamamayan sa sarili nitong bansa anuman ang lahing pinagmulan.

Kung hindi nito magagawang gawing mapayapa ang sarili nitong lupain walang itong moral na batayan para manguna sa usaping pangkapayapaan sa daigdig.

AUTHOR PROFILE