Default Thumbnail

Tumatawid na lola nasagasaan ng trak ng basura sa QC

January 4, 2023 Melnie Ragasa-limena 270 views

KALUNOS-LUNOS ang sinapit ng isang 60-anyos na lola nang masagasaan ng trak ng basura habang tumatawid sa Quirino Hi-way Brgy. Baesa , Quezon City. Martes ng hapon.

Ang biktima ay nakilalang si Luzviminda G. Evangelista, at residente ng II Dominador St., TS Cruz Subd. Brgy. Baesa Quezon City.

Kinilala ang suspek na si Dominador Fernandez Malate, 50, may asawa, driver ng trak ng basura, at nakatira sa No. 744 Lupang Pari, Brgy. San Miguel Pasig City,

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 6, bandang 1:20 ng hapon (January 3), nang maganap ang aksidente sa Baesa Road corner Quirino Hi-way Brgy. Baesa , Quezon City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PSSg Romeo A Birog Jr. ng Traffic Sector 6, binabaybay umano ng suspek sakay ng garbage truck na may plakang WGC-106 ang kahabaan ng Baesa Road galing sa Quirino Hi-way at patungong PUC Caloocan.

Pagsapit sa nasabing lugar, hindi napansin ng driver ng trak ang tumatawid na lola kaya nasalpok at nagulungan pa ng sasakyan sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Nakapiit na ang suspek habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kaniya.