Default Thumbnail

Bangkay ng lalaki tadtad ng saksak natagpuan sa Nova

January 4, 2023 Melnie Ragasa-limena 289 views

ISANG bangkay ng lalaki na tadtad ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang natagpuan sa isang eskinita sa Barangay Gulod, Novaliches, Quezon City, Martes ng gabi.

Inilarawan ang biktima na may taas na 5’6, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng itim na sando at gray shorts.

Sa report ng Novaliches Police Station (PS) 4 ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 10:20 ng gabi (Enero 3), nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa Genoveva St., Villareal, Bgy. Gulod, Novaliches, Quezon City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni P/Cpl. Bernald Louie P. Montano ng PS 4, nakarinig umano ng ingay sa labas ng kanilang bahay ang mga residente sa lugar at nang kanilang usisain ay tumambad sa kanila ang nakahandusay at duguang lalaki sa bangketa.

Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad para alamin ang pagkakakilanlan ng bangkay.