Default Thumbnail

‘Anak-anakan’ todas sa saksak dahil sa inuman

January 4, 2023 Melnie Ragasa-limena 187 views

PINAGHAHANAP ngayon ng pulisya ang isang “amain” na suspek umano sa pananaksak at pagpatay sa kaniyang stepson (anak-anakan) matapos magtalo dahil sa pakikipag-inuman nito sa loob ng kanilang tahanan sa Quezon City, Martes ng gabi.

Idineklarang dead on arrival sa East Avenue Medical Center ang 36-anyos na biktima, may asawa, mananahi, tubong Bohol at nakatira sa Barangay Holy Spirit, Quezon City.

Nakatakas naman ang stepfather ng biktima na isang tricycle driver.

Sa sketchy report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 6:30 ng gabi (Enero 3), nang maganap ang insidente sa kanto ng Republic Ave., Bgy. Holy Spirit, Quezon City.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni P/Cpl. Alexiss Mace L. Jurado ng CIDU, nakikipag-inuman umano ang biktima sa loob ng kanilang bahay nang dumating ang kaniyang stepfather.

Agad na sinita ng suspek ang biktima sa pakikipag-inuman nito at nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa hanggang sa madampot ng stepfather ang kutsilyo at sinaksak ang anak-anakan.

Nang duguang bumagsak ang biktima ay agad na tumakas ang suspek dala ang patalim na ginamit sa pananaksak.