FB Source: Carmen Municipal Police Station FB file photo

Bebot nakipagkita sa online date, nawawala!

May 2, 2024 Edd Reyes 91 views

HANDA ang Pasay City Police na tumulong sa paghahanap sa 36-anyos na babae na iniulat na nawawala maapos umalis sa kanilang tirahan sa Taytay, Rizal upang makikipagkita sa lalaking nakilala niya sa social media.

Ayon kay Pasay police chief P/Col. Mario Mayames, wala silang natanggap na ulat hinggil sa sinasabing pagkawala ng biktimang si alyas “Dina” na huling nakita ng kanyang kapatid na babae noong Abril 16, araw ng Martes, pasado alas-11 ng gabi nang magpaalam na makikipagkita sa lalaking nakilala sa social media, sakay ng kanyang kotseng Toyota Vios at kasama pa ang isang kaibigang lalaki.

Nang hindi nakauwi ng bahay, tinawagan ng kanyang kapatid si Dina kinabukasan ng tanghali, at dito sinabi ng babae na nakapila sila sa sikat na Pares Overload sa Diokno Boulevard sa Pasay City na pag-aari ni Diwata na ang tunay na pangalan ay Deo Balbuena para kumain.

Gayunman, nagbago umano ang isip ni Dina at sinabi sa kapatid na uuwi na lang siya dahil napakahaba ng pila sa naturang kainan.

Nang hindi makauwi ang babae, muli siyang tinawagan ng kapatid subalit hindi na nila makontak kaya’t humingi na sila ng tulong sa pulisya.

Ayon kay Col. Mayames, bagama’t wala silang natanggap na ulat hinggil sa naturang insidente, magtatanong-tanong pa rin sila upang makatulong sa paghahanap sa nawawalang biktima. Nina EDD REYES & JOJO CESAR MAGSOMBOL

AUTHOR PROFILE