Default Thumbnail

Suspek na nagpaputok ng baril sa Bagong Taon target ng Pulis Kyusi

January 4, 2023 Melnie Ragasa-limena 304 views

INAALAM ngayon ng pulisya ang suspek na nagpapaputok ng baril sa pagsalubong sa Bagong Taon, na tumama sa tahanan ng isang negosyante sa Quezon City.

Sa report ng La Loma Police Station (PS 1) ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 2:00 ng madaling araw (Enero 1), nang maganap ang insidente sa No. 24 Magnas St., Barangay N.S. Amoranto, QC.

Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl Jesus G. Lapinid III ng PS 1, habang masayang sinasalubong ng pamilya ng isang negosyante ang Bagong Taon sa kanilang tahanan nang may bumagsak na bala ng baril sa harapan ng kaniyang pinsang babae.

Masuwerte umanong hindi tinamaan ang babae subalit nagpasya pa rin silang i-report sa mga awtoridad ang insidente upang maaresto ang sinumang nagpaputok ng baril na anila’y nakakabahala na maaari pa nitong ulitin.

Sa ginawang pagsisiyasat ng mga awtoridad, nakitang butas ang bintanang salamin ng tahanan ng biktima at nasamsam ang bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril.

Dinala ang narekober na bala sa QCPD para isailalim sa ballistic examination at matukoy kung sinuman ang nagpaputok ng baril noong Bagong Taon na mahigpit na ipinagbabawal sa batas.