Default Thumbnail

Truck driver kritikal matapos umayaw sa kikil ng mga ‘lasing’

October 10, 2022 Edd Reyes 286 views

KRITIKAL ang 28-anyos na binatang truck driver nang pagsasaksakin ng mga kalalakihang nangingikil ng salapi Lunes ng madaling araw sa Navotas City.

Kaagad na isinugod ng kanyang mga kasamahan sa Tondo Medical Center ang biktima kung saan siya nakaratay at patuloy na ino-obserbahan matapos malapatan ng lunas ang mga tinamong tama ng saksak sa likod.

Nagsagawa naman kaagad ng follow-up operation ang mga tauhan ni Navotas Police Chief P/Col. Dexter Ollaging subalit bigo silang makilala at madakip ang mga kalalakihang nagtulong-tulong sa pananaksak sa biktima.

Sa imbestigasyon ni P/SSgt. Joseph Provido ng Navotas Police Homicide Eection, naglalakad ng pauwi ang biktima, kasabay ng lima pang mga kasamahan niya sa trabaho dakong alas-2 ng madaling araw nang harangin ng grupo ng mga lasing na kalalakihan sa kahabaan ng North Bay Boulevard.

Hiningan ng salapi ng mga hindi pa kilalang suspek ang bikitma subalit tumanggi siyang magbigay kaya’t bumunot ng patalim ang mga suspek at pinagbantaan siyang papatayin kapag hindi nagbigay.

Dito na tumakbo ang biktima subalit hinabol siya ng mga suspek at nang abutan ay pinagtulungang saksakin sa likurang bahagi ng katawan.

Nang duguang bumagsak ang biktima, nagsitakas na ang mga salarin kaya’t binuhat at isinakay sa isang tricycle ng kanyang mga kasamahan sa trabaho na nakasaksi sa pangyayari.

AUTHOR PROFILE