Tolentino

‘Tropa sa Ayungin Shoal, dapat bigyan ng Pamasko’ – Tolentino

November 22, 2023 People's Tonight 138 views

INIHAYAG ni Senador Francis “Tol” Tolentino na “wala siyang nakikitang mali” sa pagnanais ng ilang indibidwal o grupo na maglayag sa West Philippine Sea upang magdala ng mga regalo sa mga tropang nakatalaga sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Ginawa ni Tolentino ang pahayag matapos tutulan ng National Security Council ang “Christmas convoy” na pinaplano ng mga sibilyan para magdala ng mga aginaldo sa mga tropa.

Dahil umano sa mga panganib sa seguridad, tinanggihan ng NSC ang kahilingan ng ilang sibilyan na magsagawa ng Christmas caravan visits o misyon sa mga tropa ng Philippine Navy na nakatalaga sa BRP Sierra Madre.

“Ang pagbibigay ng mga regalo sa Pasko ay bahagi ng ating tradisyon, lalo na sa mga mahal natin. Walang masama sa paggawa nito lalo na sa mga tropang Pilipino na nagsasakripisyo sa ating nasasakupan,” sabi ni Tolentino sa mga mamamahayag.

Sinabi naman ng NSC, sa isang pahayag, na pinahahalagahan nito ang pagsisikap ng mga sibilyan ngunit binalaan sila dahil sa patuloy na pagtaas ng tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa bahaging iyon ng WPS.

Sinabi ng mga organisador mula sa “Atin ito” coalition na isang sibilyan na convoy na may humigit-kumulang 40 bangka ang maglalayag patungong Ayungin Shoal sa Disyembre 5.

Sinabi ni Tolentino na kahit delikado ang biyahe, dapat tiyakin ng mga awtoridad ng Pilipinas na ligtas ang mga sibilyan.

“While there may be some risks involved, our authorities should ensure the safety of those involved. For the last several months I have been saying this – dont spoil our Christmas,” sabi ni Tolentino.

AUTHOR PROFILE