Default Thumbnail

Gov sa bagong halal na bgy, SK execs: Makipagtulungan sa gov’t

November 22, 2023 Christian D. Supnad 188 views

BATAAN — Hinimok ni Gov. Joet S Garcia ang mga bagong halal na opisyal ng Barangay at Sangguniang Kabataan sa Bataan na nanumpa sa kanilang tungkulin sa Bataan People’s Center na makipagtulungan sa mga programa ng pamahalaan.

“Inaasahan po ang inyong pakikiisa sa pagsusulong ng ibat-ibang programa at proyektong pangkaunlaran tulad ng Barangay Development Masterplan kung saan nakaplano ang mga programa at proyekto sa pamayanan kabilang na ang pang-imprastraktura; 1Bataan Seal of Healthy Barangay na layong pahabain ang buhay ng ating mga kababayan sa pamamagitan ng pagsusulong ng malusog na pamumuhay; Tobacco Free Generation at iba pang anti-smoking campaigns upang maiwasan ang sakit na dulot ng paninigarilyo at Barangay Resilience Bingo Scorecard upang maging handa sa pagharap sa mga kalamidad/sakuna,” ani Garcia.

Ayon kay Garcia, ang “ Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ng inyong lingkod, ang mga bumubuo ng Sangguniang Panlalawigan ng Bataan, ang apat na kinatawan ng ating probinsya, lahat ng mga alkalde, at iba’t-ibang ahensya ng pamahalaang nasyonal ay laging handang tumulong sa inyong pagbibigay ng serbisyo publiko upang maging mabunga at makabuluhan ang inyong panunungkulan sa loob ng susunod na dalawang taon.”