Army Source: 25th Infantry Battalion-Philippine Army

Military truck nahulog sa ilog; 3 dedo, 6 duguan

May 20, 2024 Zaida I. Delos Reyes 150 views

PATAY ang tatlong tao kabilang ang dalawang sundalo habang anim na iba pa ang nasugatan matapos mahulog sa ilog ang sinasakyang army truck nitong Sabado sa New Bataan, Davao de Oro.

Nakilala ang mga nasawi na sina PFC Jaynor Makakuak, ang driver ng truck, at mga miyembro ng Citizen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) na sina Reynald Balaga at Ferlan Concepcion.

Isinugod naman sa pagamutan ang mga nasugatan na sina 1Lt. Fidel Castro Jr., Sgt. Michael Arzaga, Cpl. Emil Joy Mission, Private Jonel Alvarado at dalawa pang CAFGU na sina Jay-Ar Bale at Ardel Castro.

Batay sa ulat ng New Bataan Municipal Police, naganap ang aksidente sa gilid ng highway sa Sitio Boston, Barangay Andap.
Patungo ang mga biktima sa groundbreaking ceremony ng isang farm-to-market road project sa Brgy. Andap nang maganap ang aksidente.

Habang binabaybay ang Sitio Langag sa nasabing barangay ay biglang nagkaproblema ang makina ng trak. Bigla itong huminto at mabilis na umatras pababa at nagtuluy-tuloy sa ilog sa gilid ng highway.

Sa lakas ng impact ng aksidente ay nasawi ang driver na sundalo at dalawang CAFGU members, habang sugatan naman ang anim na iba pa.

Agad namang nagpaabot ng tulong ang pamunuan ng 25th Infantry Battalion sa pamilya ng mga nasawing biktima.

Patuloy ang imbestigasyon sa aksidente.