BBM1

Pangakong lupa sa mga magsasaka tinupad ni PBBM

May 20, 2024 Chona Yu 137 views

TINUPAD ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pangakong lupa sa mga magsasaka sa bansa.

Ito ay matapos ipamahagi ni Pangulong Marcos ang halos 4,000 Certificates of Land Ownership Awards (CLOAs) at land titles sa mga magsasaka kung saan aabot sa 2,867 ektarya sa Central Visayas o Region 7.

Sa talumpati ni Pangulong Marcos sa Dumaguete City sa Negros Oriental, sinabi nito na pag-asa ng bayan ang mga magsasaka.

“Alam naman po namin na marami po sa inyo ay matagal nang nangangarap at nagsisikap upang magkaroon ng sariling lupa para sa inyong hanapbuhay. Eto na po at tinutupad po natin ang pangarap ninyo,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Ito po ay simbulo ng taus-pusong pasasalamat ng sambayanang Pilipino para sa inyong walang sawang pagsisikap at katatagan sa pagsasaka sa ilalim ng init ng araw, sa gitna ng masamang panahon, at sa harap ng maraming pagsubok,” dagdag ng Pangulo.

Ayon sa Pangulo, ang pamamahagi ng lupa ay patunay ng dedikasyon ng administrasyon na pangalagaan ang kapakanan ng mga magsasaka base na rin sa isinasaad sa Republic Act 11953, o New Agrarian Emancipation Act.

Sinabi pa ni Pangulong Marcos na sa Region 7, nasa 4,614 ektarya na ng lupa ang naipamahagi ng Department of Agrarian Reform (DAR) ngayong taon.

Asahan na aniya na marami pang lupa ang ipamimigay sa buong bansa.

“Ito ay patunay ng ating patuloy at walang humpay na pagsisikap na tuparin ang aming pangako na kukumpletuhin namin ang repormang agrarian dito sa ating minamahal na Pilpinas,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Namigay din si Pangulong Marcos ng P17.5 milyong halaga ng agrarian equipment sa 3,268 beneficiaries sa Central Visayas.

“Ang mekanisasyon, ang pagbibigay ng ating mga gamit, itong mga traktor, itong mga processing, dryer [at] kung anu-ano pang mga kailangan ng ating mga magsasaska. Ito ay makabagong irigasyon at patuloy pa rin [ang] [pag]papalawak ng irigasyon. Ang mga ito ay susi sa pagpapa-unlad ng ating mga sakahan. Mas mapabibilis po itong inyong mga gawain at mas mapapaunlad nito ang lupang inyong sinasaka,” pahayag ni Pangulong Marcos.

AUTHOR PROFILE