Knife

Taxi driver natagpuang tadtad ng saksak

February 12, 2024 Melnie Ragasa-limena 81 views

TADTAD ng saksak ang taxi driver nang matagpuan sa loob ng taxi sa Quezon City noong Lunes.

Kinilala ang biktima na si Danilo Padua Solver, 46, ng Mapandan, Pangasinan at nakatira sa 2071 Ligaya St., Brgy. 426, Sampaloc, Manila.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-12:20 ng hatinggabi nang matagpuan ang biktima sa 7th St., Brgy. Mariana, Quezon City.

Ayon kay PSSg Angel T Pascasio III, itinawag sa kanila ng mga tanod na sina Nestor Canja Pacete at Roderick Cuachon na may natagpuan silang lalaking duguan na nakahandusay malapit sa nakaparadang taxi (AAI 5933) sa nasabing lugar.

Sa pagsusuri sa CCTV footage ng pulisya, isang hindi pa nakikilalang lalaki na nakasuot ng itim na t-shirt at shorts ang nakitang pinagsasaksak ang biktima at saka tumakas patungo sa Doña Hemady.

Ayon sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) team mula sa QCPD Forensic Unit, nakakuha sila sa crime scene ng kutsilyo na may mantsa ng dugo sa loob ng taxi mula sa P Four Transport Coop at ID ng biktima.

Kinilala ni Jose Marie Aure Martinez, operator ng P Four Transport Coop taxi, ang biktima na driver ng nasabing taxi.