‘Salt farms’ sa bansa, unti-unting nauubos

August 31, 2022 Vic Reyes 315 views

Vic ReyesSA muling pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo, lalo na ang diesel at gasolina, ay napapakamot na lang sa ulo ang taumbayan na karamihan ay mga mahihirap.

Alam kasi nila na ang susunod diyan ay ang pagtaas din ng presyo ng mga bilihin, kasama na ang essential commodities, hindi lang sa mga syudad kundi sa buong bansa.

Ngayon nga lang ay tumaas na pati ang presyo ng tuyo, bagoong, alamang at iba pang produkto na ginagamitan ng asin.

Pati kasi asin ay tumaas na rin ang presyo. Talagang aaray ang marami dahil napakahalaga ng asin.

Pati nga ang mga nagtatanim ng niyog sa bansa ay apektado dahil ang mga ginagamit nilang pataba sa taniman nila ay ang tinatawag na “rock salt.”

Ayon sa report, mas marami ang maibubunga ng isang puno ng niyog kung gagamitan nila ng asin bilang pataba.

Ang tanong nga ng mga ordinaryong Pinoy, bakit tataas ang presyo ng asin samantalang napapaligiran tayo ng tubig-alat na kung saan nanggagaling ang asin.

Ang problema pala ay pakaunti na ng pakaunti ang “salt farms” sa Pilipinas dahil ginagawa itong mga subdivision at commercial district ng mga mayayaman.

Mantakin niyo, matagal na pala tayong nag-iimport ng asin mula Australia at China.

Kailangang tulungan agad ng gobyerno ang naghihingalong industriya ng asin.

Kawawa naman ang mga mag-aasin kapag tuluyang naubos ang “salt farms” sa bansa.

Nakalulungkot naman.

***

Kung saan-saan na nasasakote ng Bureau of Customs (BOC) at iba pang government authorities ang mga kargamento na naglalaman ng mga puslit na imported goods.

Karamihan sa mga naku-kumpiska ay mga produktong agrikultura, na kagaya ng carrot at asukal, at iligal na droga.

Matatandaan na isa sa mga marching order ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa customs bureau ay patigilin ang agricultural at illegl drug smuggling sa ating bansa.

Kaagad namang umaksyon si Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz at ang resulta ay ang mga sunod-sunod na matagumpay na anti-smuggling operations sa ibat-ibang parte ng Pilipinas.

Sa kagustuhan ni Pangulong Marcos na matulungan ang mga magsasaka at mangingisda ay siya na mismo ang namumuno sa Department of Agriculture (DA).

Pansamantala niyang pinamumunuan ang DA para siguruhing mapapabuti ang kalagayan ng mga mahihirap na magsasaka at mangingisda sa buong bansa.

Noong si Pangulong Marcos ang gobernador ng Ilocos Norte, top priority niya ang modernisasyon ng agrikultura.

Pero alam din niya na talagang kaaway ng mga magsasaka at mangingisda ang mga ismagler ng produktong agrikultura.

Kaya nga ang una niyang utos kay Ruiz, ang “drug buster” ng Visayas nang isa pa siyang opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency, ay habulin ang mga ismagler ng mga produktong agrikultura.

Siguradong takot na ngayon ang mga ismagler dahil alam nilang hindi sila sasantuhin ni BOC Chief Yogi Filemon Ruiz.

***

Marami ang aangal sa panukala ni Finance Secretary Benjamin Diokno na tigilan na ang pamimigay ng cash assistance sa mga mahihirap na pamilya.

Sinabi ni Secretary Diokno na “pagsasayang lang ng pondo” ang pamimigay ng ayuda sa mga mahihirap dahil marami sa mga naapektuhan ng pandemya ay naka-recover na.

Ang mga pamilyang ito ay hindi kailangan ang ayudang cash na galing ng gobyerno.

Ayon pa kay Diokno, ang kailangang pondohan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay ang pension ng mga senior citizens na sa ngayon ay kakatiting lang kung pagbabatayan ang kasalukuyang presyo ng mga bilihin pati ng gamot na kailangan ng matatandang sakitin pang-maintenance.

Ang mahirap pa sa cash assistance sa mga mahihirap ay marami ang reklamo dito.

Nagiging ugat pa ito ng matinding awayan sa maraming lugar sa bansa dahil alam naman sa mga barangay na may mga beneficiary na may mga anak na nagtatrabaho sa abroad.

Pero meron namang mga pamilyang walang-wala ngunit hindi napasama sa listahan ng beneficiaries.

Ang dahilan? Politika!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE