Manila Police District masuwerte ke Mayor Honey

August 31, 2022 Edd Reyes 206 views

Edd ReyesMASUWERTE ang pamunuan ng Manila Police District (MPD) dahil para silang nagkaroon ng mapagpalang kamay ng isang maaruga at may malasakit na ina sa katauhan ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan.

Humirit kasi si MPD Acting Director P/BGen. Andre Dizon ng karagdagang mobile patrol cars kay Mayor Honey habang nagparinig naman si Lt. Col. John Guiagui, ang hepe ng Police Station-5 na wala silang motorsiklo sa kanilang presinto nang dumalo ang alkalde sa ginanap na paglulunsad noong Lunes ng Oplan S.A.F.E. Manila sa Quirino Grandstand.

Tulad ng dapat asahan, tiniyak ng alkalde na gagawin niya ang lahat ng paraan upang maibigay ang lahat ng pangangailangan ng buong puwersa ng MPD, sukdulang manawagan siya sa mga malalaking organisasyon na ka-partner ng lokal na pamahalaan sa mga magagandang programa at proyekto, pati na sa Pambansang Pamahalaan, upang matulungan siya na maipagkaloob ang hinihinging karagdagang mobile patrol at motorsiklo ng pulisya.

Eto pa, napansin pala ni Mayor Honey ang mga sirang blinker ng ilang mobile patrol kaya sinabihan niya si BGen. Dizon na alamin kung ilan ang mga sirang blinker at magkano ang magagastos sa pagpapa-ayos ng mga ito upang mapaglaanan kaagad ng pondo.

Pero ang labis na ikinatuwa ng mga pulis ay ang ini-anunsiyo ni Mayor Honey na matatanggap na ng mga pulis ang kanilang allowance para sa tatlong magkakasunod na buwan dahil napirmahan na aniya ang halos 500 tseke. Kung ATM lang daw sana, mas maaga itong matatanggap ng kapulisan dahil mahirap ding lumagda sa halos 500 tseke.Ayaw siguro ng mga pulis sa ATM dahil tiyak na ang kanilang misis ang hahawak ng card kaya hindi na sasayad sa kanilang kamay ang allowance,.

Labis naman ang pasasalamat ni BGen. Dizon kay Mayor Honey at sabi nga niya, dinagdagan pa nga raw ng alkalde ang kanilang gas allocation kaya maisasakatuparan nilang tiyak ang 24-hour police visibility patrol lalu na sa gabi at sa paligid ng mga paaralan.

Aba, eh kung masuwerte pala sina BGen. Dizon kay Mayor Honey, masuwerte rin ang mga Manilenyo sa pagkakaroon ng puwersa ng pulisya na walang humpay na magpa-patrulya para matiyak ang kapayapaan at kaayusan sa lungsod.

P/BGEN. CESAR PASIWEN PROUD IGOROT POLICE OFFICER

ISA palang proud Igorot police officer na tubo sa rehiyon ng Cordillera si Police Regional Office (PRO) 3 Director P/BGen. Cesar Pasiwen kaya siguro akala ng mga ilegalista sa Angeles City sa Pampanga na kaya nilang mapalusutan ang opisyal.

Ang hindi nila siguro alam, dating hepe ng Regional Intelligence Unit ng PRO-3 si Gen. Pasiwen kaya hindi siya puwedeng mapalusutan nina alyas Ricky, Larry at Eric na maagang naglatag na kani-kanilang ilegal na pergalan o peryang may pasugalan sa Pandan Road sa Barangay Pandan, Sapalibutad Road sa Barangay Sapalibutad at sa terminal ng mga tricycle sa Barangay Anunas.

Sinamantala rin kasi ng mga ilegalista ang pagiging abala sa pagpuksa ng ilegal na droga ni Angeles City police chief P/Col. Diosdado Fabian na sunod-sunod ang pagkakakumpiska ng bulto ng shabu sa mga nadadakip nilang drug pushers.

Hintay-hintayin niyo lang ang hagupit ng certified Igorot police officer dahil tiyak na lagot kayo, pati na kung sino man ang ipinagmamalaki ninyong protector.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com

AUTHOR PROFILE