Joey Papa

Saan patungo ang mundo?

April 16, 2024 Joey C. Papa 68 views

NOONG isang araw ay binomba ng Iran ang Israel bilang ganti sa ginawa ng huli sa kanilang bansa.

Nagmamasid pa ang maraming bansa kung anong gagawin ng Israel.

Hindi raw tutulong ang US sa Iran kung mayroon daw gagawin itong kontra-salakay.

Double-talk?

Marami nang kasinungalingang kumakalat ngayon sa mundo.

Nagbabadya na raw ba ito ng isang gyera mundial, tanong ng isang propesyunal.

Ang tinutukoy niya ay ang naganap na pambobomba ng Iran sa Israel.

Kilalang mahigpit na magkaalyado ang US at Israel. Tila mahirap paniwalaang walang gagawing pagtulong ang US sa kanyang “best friend.”

Ang pagbomba ng Iran sa Israel ay para raw sampal sa mukha ng US, dahil alam naman ng lahat na US ang tumutulong sa Israel sa pandidigma sa Hamas ngayon at matagal na ay sa bansang Palestino.

Nakikiramdam sa ngayon ang mga political observers.

Dito naman sa atin ay tila madalas na ang provocation ng China sa Pilipinas sa pamamagitan ng laging panghaharang at pambobomba ng tubig sa mga resupply ships patungong BRP Sierra Madre.

Naghahamon na ang Tsina ng malaking gulo?

Alam naman nilang laging handing magbenta ang US ng mga armas pandigma at ito ang kanilang negosyo — giyera. Sino makikinabang kapag nagkagyera sa pagitan ng Tsina at Pilipinas?

Tutulong ba talaga ang US sa ating bansa o bebentahan lang tayo ng mga armas pandigma?

Marami na ang nangangamba sa posibilidad ng isang digmaan. Ayaw na natin ito dahil wala namang maitutulong sa ating bansa na hindi pa nga makausad sa mga paghihirap ng kabuhayan at marami pang pagsubok sa buhay. Pinatuyan na ito ng mga nakaraang digmaan.

Ngunit paano natin matitiyak na walang biglang gagawa ng isang hangal na pagkilos sa mga bansang magkakatunggali?

Pambibigla na ngayon ang istilo ng digmaan. Gulatan ‘ika nga.

Hindi ba nakagugulat ang ginawa ng Hamas sa Israel?

Hindi ba nakagugulat din ang ginawa ngayon ng Iran sa Israel?

May posibilidad pa bang mangyari ito?

May posibilidad ngunit huwag naman sana.

Patuloy ang pag-inog ng mundo at patuloy ang pagsusulong ng kanya-kanyang pansariling interes kahit na maraming mamamatay na mga bata at sanggol. Bale wala sa kanila ang kamatayan. Bale wala sa kanila ang katahimikan at kapayapaan. Hindi nila kilala ang mga salitang ito. Ang mahalaga sa kanila ay langis, langis, langis at kayamanan!

Walang halaga sa mga sakim ang buhay. Walang halaga sa kanila ang katinuan. Ang mahalaga sa kanila ay ang kasakiman, salapi at marangyang pamumuhay na sukdulang mang-alipin ng ibang tao at bansa.

Kailangan pa ring magsama-sama ang matitinong bansa na nagmamahal sa kapayapaan at katahimikan at higit sa lahat ay ang buhay ng bawat isang tao.

Sa huli ay anong halaga ng maraming kayamanan kung ang paligid mo ay mga durog na bansa at bangkay ng mga tao lalo na nang mga bata at sanggol?

Hindi masayang mabuhay sa ganitong kapaligiran. Ang magagawa ng mga matitinong bansa ay matinding himukin ang mga bansang sangkot sa kaguluhan ng tigilan na ang kanilang karahasan.

Marami rin ang bilang ng matitinong bansa at malaki, malakas ang kanilang tinig.

Malaki pa rin ang magagawa ng matitinong bansa kung igigiit nila ang kanilang kapangyarihan sa mga nabubulagang bansa. Silang mga binubulag ng kasakiman at salapi.

AUTHOR PROFILE