Default Thumbnail

Reklamo ng Coast Guard recruits

October 11, 2023 Allan L. Encarnacion 228 views

Allan EncarnacionANO na itong nangyayari sa ating Philippine Coast Guard na dapat mabigyan ng atensiyon ng Armed Forces of the Philippines?

Naglalabasan ang mga bagong recruits para ireklamo ang sinasabi nilang systemic corruption magmula pa lamang sa unang baytang ng kanilang pagpasok sa PCG.

Ayon sa mga nakausap nating recruits, ang kanilang mga ATM ay hindi nila nahahawakan na isang paglabag sa kanilang karapatan.

Ang dahilan, binabawasan pala ang kanilang mga salary at allowances ng kanilang mga “unforseen utang” mula sa kanilang pagsasanay. Hindi ko ma-imagine, naging hostage ang kanilang mga ATM!

Taun-taon ay may 4,000 recruits ang PCG para madestino sa iba’t ibang lugar sa bansa. Ang bawat recruit ay pinaglalaanan ng gobyerno ng P43,000 para sa kanilang mga training gears, mula sa sapatos, uniporme at iba pang kailangan nila sa pagsasanay.

By the way, kasama pala ang panyo na worth P350 sa kanilang gear! Wow ang mahal ng panyo! Hindi na tinatablan ng sipon yan?

Bukod sa allocation na P43,000, bakit karamihan sa mga nakatapos ng training ay may utang ng hindi bababa sa P138,000 hanggang P150,000 pagkatapos ng training?

May allotment na nga ang gobyerno ng P43,000, bakit nagkakautang pa sa mga ibang training gear?

“Sir kasi po, sobrang mahal ng mga pinapagamit nilang mga t-shirt na manipis, panyo na parang toilet paper sa nipis at iba pang kagamitan na alam naming overpiced pero hindi naman kami makaangal,” sabi pa ng isang nagrereklamo.

Sinabi rin ng mga nagrereklamo na sinisingil din sila ng P10,000 para sa private van kapag panahon ng kanilang liberty or R&R.

Ang problema, “wholesale deduction” sa paggamit ng private van dahil kahit hindi sumakay or hindi nakagamit ng van service, kasama sila sa kinakaltasan ng P10,000. Aba’y parehas na parehas!

Ang tanong, kaninong private van yan? Kaninong negosyo yan?

Hindi na natin babanggitin kung saan-saan nagmula ang mga reklamo na ating natanggap para hindi naman sila mapag-initan.

Pati pala meal allowance para sa maghapon ay nasa P150 per recruit. Kung 4,000 ito, aba’y malaki-laki rin pala. Sana lang disenteng pagkain na ang naibibigay sa ating mga Coast Guard members. “Iyon nga po, patsamba-tsamba lang ang maayos na pagkain,” sabi pa nila.

“Halos lahat kami, kapag natapos sa training ay nangungutang sa mga private lending firm para mabayaran namin ang naging utang namin sa training. Iyong iba sa amin, nagsanla pa ng lupa sa probinsiya para lang makabayad sa aming mga pagkakautang sa Coast Guard recruitment and training,” sabi pa ng ating nakausap.

Siyanga pala, ang mga private lending firm na inuutangan ng mga recruits pagkatapos ng training ay rekomendado rin sa loob! Walang tapon! Yan ang masinop na sistema!

Malaking papel ang ginagampanan ng ating PCG sa pagbabantay ng ating mga karagatan kaya kailangan talaga ng massive recruitment. Kung tutuusin, kulang ang 4,000 annual recruits, lalo na’t humaharap ang bansa sa isyu ng West Philippine Sea.

Kailangan nating itaas ang moral ng mga present at incoming PCG members sa pamamagitan ng pagtrato sa kanila nang tama at makararungan. Kung umpisa pa lamang nila sa serbisyo ay baon na sila sa utang, paano tayo makakaasa ng mataas na kalidad na performance kapag naitalaga na sila sa sea patrolling at mga water boarder control?

Nanawagan tayo sa AFP at kay PCG Chief, Commandant, Admiral Artemio Abu na imbestigahan ang reklamong ito para malinis naman ang pangalan ng mga wala namang kinalaman sa isyung ito.

Pero iyong mga sangkot, kailangan din silang mahingian ng paliwanag para malaman kung may katotohanan o gawa-gawa lang ng mga recruits ang kanilang mga reklamo.

***

Kaugnay ng isyung ito, nagtxt tayo kay Coast Guards spokesperson Rear Admiral Armand Balilo para kunan sila panig.

Ayon kay Rear Admiral Balilo, iniimbestigahan na nila ang isyu.

Tiniyak din niya na hindi kukunsinthin ng PCG leadership ang ganitong mga katiwalian.

[email protected]